Natunton ang build-up o pagdami ng mga barkong pandigma at fighter jets ng Amerika malapit sa Iran.
Ito ay sa gitna ng pag-pressure ng US sa Islamic country kaugnay sa military program nito at kamakailang deadly crackdown sa mga protester.
Kabilang sa namataan malapit sa Iran ang US aircraft carrier na USS Abraham Lincoln, na nangunguna sa isang strike group na may tatlong guided missile destroyers at 90 aircraft kabilang ang fighter jets, ay napaulat na idineploy sa Gulf region noong huling bahagi ng Enero subalit hindi pa ito namamataan sa satellite imagery hanggang sa ngayon. Bagamat natunton ang lokasyon nito sa may karagatan ng Oman, tinatayang 700 kilometers ang distansiya mula sa Iran.
Iniulat din ng US na ipindala nito ang USS Gerald R Ford, ang pinakamalaking barkong pandigma sa buong mundo, patungo sa Middle East, na inaasahang darating sa naturang rehiyon sa susunod na tatlong linggo.
Nitong Martes, nakatakdang magkita ang mga opisyal ng Amerika at Iran sa Switzerland para sa ikalawang yugto ng pag-uusap upang mapahupa ang tensiyon sa pagitan ng dalawang bansa.
Ayon sa Iran ang magiging pokus ng pagpupulong ay sa nuclear programme nito at ang posibleng pag-alis ng economic sanctions na ipinataw ng US.
---
Inanunsyo ng pamahalaan ng Spain na magpadala sila ng humanitarian aid sa Cuba, na kasalukuyang nakararanas ng malubhang krisis pang-ekonomiya at kakulangan sa mahahalagang suplay dahil sa epekto ng tinatawag na de facto na fuel blockade ng Estados Unidos.
Sa tulong ng United Nations, magbibigay ang Espanya ng pagkain at mga pangunahing produktong pangkalusugan sa pamamagitan upang matulungan ang mga mamamayan ng Cuba na nahihirapan sa kakulangan ng suplay at serbisyo.
Ginawa ang anunsyo matapos na magpadala ang Mexico ng higit 800 toneladang humanitarian aid sa Cuba na dumating lang kamakailan.
Nabatid na ang krisis ng bansa ay pinalala pa ng mga pag-hihigpit ng administrasyon ng U.S. kung saan apektado ang suplay ng langis at produktong petrolyo, kabilang ang pagbabanta ng mataas na taripa para sa mga bansang susubok na magbigay ng fuel sa Cuba.
Dahil dito ipinatupad na ng Cuban government ang emergency, tulad ng paghihigpit ng pag-bebenta ng gasolina at pagbawas ng pampublikong transportasyon, habang nagpapatuloy ang mga power outage at kakulangan sa pagkain at gamot sa bansa.
Sa Madrid, ibinahagi naman ng Cuban Foreign Minister ang hangarin na palakasin ang political, economic-trade, at cooperation dialogue sa pagitan ng Spain at Cuba.