Skip to content

February 13 - 6 am NEWS

February 13 - 6 am NEWS
CHESTER PANGAN
Feb 13, 2026 | 8:00 AM

Muling nagbabanta ang ashfall at rockfall sa mga komunidad malapit sa Bulkang Mayon kasunod ng pag-agos ng malaking bulto ng lava kaninang umaga, Pebrero 13.

Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), alas-5:31 ng umaga nang mamonitor ang lava flow na tumagal ng ilang minuto.

Dahil dito, nagbabala ang ahensya sa posibleng pagbagsak ng malalaking tipak ng bato na maaaring umabot sa ilang kilometro mula sa bunganga ng bulkan.

Posible ring muling maranasan ang ashfall sa mga karatig-bayan, gaya ng naunang insidente sa Camalig ilang araw na ang nakalipas.


Nananatili sa Alert Level 3 ang Bulkang Mayon mula pa noong unang linggo ng Enero, indikasyon ng patuloy na aktibidad nito.

Mahigpit pa ring ipinagbabawal ang pagpasok sa permanent danger zone sa paligid ng bulkan.

----

Naghain ng petisyon ang ilang mga abogado sa Kataas-taasang Hukuman laban kay Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto III.

Inirereklamo nina Atty. Ferdinand Topacio, Atty. Manuelito Luna, Atty. Harold Respicio at iba pa ang naturang senador dahil sa mga kumento nitong may kinalaman sa nakaraan resolusyon ng Korte Suprema ukol sa ‘impeachment’ kontra kay Vice Pres. Sara Duterte.

Partikular na sinampahan nila ang mambabatas ng ‘petition for indirect contempt’ sa paniniwalang hindi nito nirerespeto ang desisyon ng mahistrado.

Giit ni Atty. Ferdinand Topacio na ang mga pahayag kamakailan ng senador ay nakaapekto sa imahe ng Kataas-taasang Hukuman.


Dahil rito’y inilahad ng abogado ang ilan sa mga kumento ni Senador Sotto na kanilang mariin tinutulan o hindi pinagsasang-ayunan.

Dagdag pa niya’y dapat ang ganitong uri ng mga pahayag ay mali at hindi katanggap-tanggap lalo pa’t siya ang pinuno ng mataas na kapulungan ng kongreso.

Kung sakali man matukoy na ‘guilty’ sa indirect contempt si Senate Pres. Tito Sotto III, maari siyang maharap sa 309-libong piso halaga ng multa.

Pati na rin ang anim na buwan pagkakakulong ay posibleng ipataw sa naturang mambabatas.

----

Inatasan ng Kataas-taasang Hukuman si Ombudsman Jesus Crispin ‘Boying’ Remulla at Independent Commission for Infrastructure na magkumento sa inihaing petisyon ni ex-Ako Bicol partylist Rep. Zaldy Co.

Kinuwestyon kasi kamakailan ng dating mambabatas ang resolusyon ng Ombudsman nang kasuhan nito si Co at iba pa sa kasong paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act at malversation may kinalaman sa korapsyon a flood control.

Paglilinaw naman ng Korte Suprema na wala pang inilalabas na T.R.O. o Temporary Restraining Order ukol sa ‘petition for certiorari’ ni Co.

Alinsunod rito’y, tiniyak ng Office of the Ombudsman na susunod sila sa kautusan ng Korte Suprema na magbigay kumento hinggil sa petisyon ni ex-Ako Bicol Partylist Rep. Zaldy Co.