Skip to content

February 12 - 7 am NEWS

February 12 - 7 am NEWS
DONNA NATIVIDAD-ARENAS
Feb 12, 2026 | 8:39 AM

Pinuna ni dating Senador Ramon “Bong” Revilla Jr. nitong Huwebes ang mga nag-akusa sa kanya kaugnay ng flood control scandal.
Dumalo siya sa pagpapatuloy ng preliminary investigation ng kanyang plunder case sa Department of Justice (DOJ).
Ayon sa kampo ni Revilla, kinukwesyon nila ang reklamong plunder dahil ang kanyang mga co-respondents na sina dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Undersecretary Roberto Bernardo at mga dating DPWH Engr. na sina Henry Alcantara at Gerard Opulencia ay pinalaya matapos maging state witnesses.
Dahil dito, si Revilla na lamang at sina John at Jane Does ang nananatiling respondent sa kaso.
Binanggit din ng kanyang tagapagsalita na may mga pagkakaiba sa mga pahayag ni Bernardo, kabilang ang petsa, halaga ng pera, at bilang ng deliveries na nauna nang sinabi nitong ibinigay sa dating senador.


***

Pinuna ng isang mental health expert si Senator Robin Padilla matapos nitong tawaging “weak” at “iyakin” ang mga kabataan ngayon kumpara sa kaniyang henerasyon.
Matatandaan na sa pagdinig ng Senate Committee hinggil sa Children’s Safety in Social Media Act, sinabi ni Sen. Padilla na sa kaniyang panahon ay hindi pa uso ang salitang “depression,” hindi tulad ngayon na maraming mga bata ang nagsasabing sila ay “depressed.”
Igiiniit ni Dr. Gladys Samonte Canillo, psychologist, psychometrician at professional teacher, na hindi kahinaan ang pagiging bukas ng kabataan sa usaping mental health.
Aniya, maaaring hindi ito lantad noon, ngunit hindi ibig sabihing hindi ito umiiral.Binigyang-diin din niya na ang depresyon ay hindi pag-iinarte at maaaring dulot ng social media pressure, cyberbullying, at tumataas na academic at economic stress.
Sa halip na tawaging mahina, mas dapat umanong pakinggan at gabayan ang kabataan, dahil ang pagsasabing “nahihirapan ako” ay tanda ng emotional intelligence at maaaring paraan ng paghingi ng tulong.

**
Pumalo na sa halos 796,000 na mga Pilipino, kabilang ang mga guro at mag-aaral, ang matagumpay na nakatapos ng pagsasanay sa Artificial Intelligence (AI) sa ilalim ng AI Ready ASEAN Programme.
Ito ang naging sentro ng ulat kasabay ng pakikibahagi ng Department of Education (DepEd) sa katatapos lamang na 3rd Regional Policy Convening sa Pasig City nitong Lunes.
Dahil sa positibong resulta, target ngayon ng DepEd na mas paigtingin pa ang pakikipagtulungan sa mga bansang kasapi ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN).
Layunin ng pinalakas na kolaborasyon na mapabilis ang integrasyon at paggamit ng AI sa sektor ng basic education sa bansa.