Skip to content

February 10 - 7 am NEWS

February 10 - 7 am NEWS
CHESTER PANGAN
Feb 10, 2026 | 10:08 AM

Nakatakdang maglabas ang Department ogf Health (DOH) ng isang memorandum circular para maisama na sa zero balance billing (ZBB) ang mga direct contributor ng Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth).
Magbibigay daan ito para sa mga manggagawang direktang nagbabayad ng contribution na ikinakaltas sa kanilang sahod para makapag-avail ng ward o shared room sa lahat ng 87 ospital na pinapatakbo ng DOH nang libre sa ilalim ng ZBB policy.
Sa isang statement, inihayag ng DOH na ginawa ang bagong polisiya bilang tugon sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na nagmamandatong tiyaking mapapakinabangan ng middle-class earners ang mga benepisyo mula sa gobyerno.
Ayon kay Health Secretary Teodoro Herbosa, maraming dumaraing para sa mas pinahusay pang mga benepisyo para sa mga direct contributors ng PhilHealth at ang mga ito ay ang mga kinakaltasan ng kanilang premium contribution mula sa kanilang sahod.


**
Nagpahayag ng pagkabagabag si House Senior Deputy Minority Leader at Mamamayang Liberal Party-list Representative Leila De Lima sa naging pahayag ng bagitong mambabatas na si SAGIP Party-list Rep. Paolo Marcoleta kaugnay sa isyu sa West Philippine Sea.
Sa isang pahayag, sinabi ni De Lima na “nakakabagabag at hindi tama” ang pahayag ni Marcoleta.
Kaugnay nito, nanawagan si De Lima sa kapwa niya mambabatas at sa lahat ng lider at mga Pilipino na magkaisa sa pagtatanggol sa WPS.
Ginawa ni Rep. De Lima ang panawagan matapos ang maanghang na pahayag ni Rep. Marcoleta, na sina “Comm. Jay Tarriela ng Philippine Coast Guard at mayayabang na senador ang isabak sakaling giyerahin tayo ng Tsina para makita umano ang kanilang tapang.”


***

Pinag-aaralan ngayon ng Department of Agriculture (DA) ang posibleng pagtataas ng tariff sa mga inaangkat na artificial sugar bilang hakbang upang maprotektahan ang local sugar industry ng bansa.
Kinumpirma ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na nakipag-ugnayan na siya kay Finance Secretary Frederick Go kaugnay ng nasabing panukala at positibo naman ang naging tugon nito.
Lumabas sa datos ng kagawaran na tumaas ng 200,000 tons ang volume ng pumasok na artificial sugar sa bansa noong 2025, bagay na nakaapekto sa demand para sa lokal na asukal.
Bagama’t kasalukuyang nasa 5 percent ang taripa, nilinaw ng opisyal na hindi naman ito masyadong tataasan kundi sapat lang upang maging kompetitibo ang lokal na produkto.