Ipinresenta ng Bureau of Internal Revenue o BIR sa Senate Blue Ribbon Committee ang mga pangunahing reporma sa tax audit framework sa ilalim ng Revenue Memorandum Order No. 1-2026.
Layunin ng mga repormang ito na gawing mas patas, predictable, at transparent ang tax audits, kasabay ng pagtugon sa mga hinaing ng taxpayers.
Sa kanyang presentasyon, binanggit ni Commissioner Charlito Martin R. Mendoza na bumuo ang Bureau ng technical working group upang repasuhin at magbalangkas ng mga reporma, at nakipagkonsultasyon sa private sector sa pamamagitan ng BIR Partnership with the Multisectoral Group.
***
Isinasailalim na sa freeze order ng Anti-Money Laundering Council o AMLC ang nasa 28 water assets kabilang ang ilang mga yate na natukoy na konektado umano sa anomaliya sa flood control projects ng gobyerno.
Ayon kay Independent Commission for Infrastructure (ICI)-Technical Working Group Chairman ASec. Renato Paraiso, posibleng madagdagan pa ang bilang ng mga matutukoy na assets ng Maritime Industry Authority (o Marina habang nagpapatuloy ang paghahanap at proseso ng beripikasyon sa maritime sector.
Hindi naman na idinetalye pa ng ICI official ang mga indibidwal o entities na sangkot.
Bagamat, nauna nang kinumpirma ni Paraiso na kabilang sa kanilang mga sinisiyasat ang ilang mga yate na napaulat na konektado kay dating Ako Bicol Party-list Representative Zaldy Co.
**
Itinutulak ngayon ng Department of Education o DepEd ang malawakang classroom leasing bilang agaran at makabagong solusyon sa problema ng kakulangan ng mga silid-aralan sa mga pampublikong paaralan.
Kaugnay nito, nakatakdang lagdaan ngayong linggo ang isang Memorandum of Agreement sa pagitan ng kagawaran at ng mga gobernador sa bansa upang gawing pormal ang mekanismo ng pag-upa sa mga bakanteng gusali ng mga pribadong institusyon.
Ayon kay Education Secretary Sonny Angara, ang inisyatibang ito ay nakabase sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na palakasin ang public-private partnerships sa sektor ng edukasyon.
Layunin ng programa na mabawasan, kung hindi man tuluyang maalis, ang pagsisiksikan ng mga estudyante at ang class shifting schedule.