Inirekomenda ng Department of Justice (DOJ) ang pagsasampa ng kaso laban kay Charlie Tiu Hay Ang, kilala bilang Atong Ang, at 25 iba pa kaugnay sa serye ng pagkawala ng mga sabungero.
Ayon sa press statement nitong Disyembre 9, 2025, nakita ng panel of prosecutors ang prima facie evidence na may “reasonable certainty of conviction” para sa kabuuang sampung bilang ng kasong Kidnapping with Homicide.
Kabilang sa mga akusado ang ilang opisyal ng pulisya, mga tauhan ng sabungan, at mga dating empleyado ni Ang.
Bukod dito, may labing-anim na bilang ng kasong Kidnapping with Serious Illegal Detention na isinampa rin laban sa parehong grupo, kabilang ang ilang hindi pa natutukoy na pulis. Sa kabuuan, dalawampu’t anim (26) na kaso ang isasampa sa korte para sa pagsasagawa ng paglilitis.
**
Inatasan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Kongreso na unahin ang pagtalakay at pagpapasa ng apat na mahahalagang panukalang batas: ang Anti-Dynasty Bill, Independent People’s Commission Act, Party-list System Reform Act, at CADENA Act na naglalayong paigtingin ang transparency at accountability sa paggamit ng pondo ng bayan.
Sa LEDAC meeting ngayong umaga, pinayuhan ng Pangulo ang Senado at Kamara na pag-aralang mabuti at agad aksyunan ang naturang mga panukala.
Dumalo sa pulong sina Senate President Vicente Sotto III, House Speaker Faustino Dy III, Majority Leader Sandro Marcos, at iba pang lider ng Kongreso.
Napagkasunduan rin sa LEDAC ang timeline para sa pagpasa ng General Appropriations Bill (GAB) at ang mabilis na pagsusumite ng enrolled bill para sa pirma ng Pangulo.
***
Personal na nagtungo sa tanggapan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang kontratistang si Sarah Discaya ngayong araw.
Ang kanyang pagdating ay kasunod ng pahayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ipaaaresto siya sa oras na lumabas ang warrant mula sa korte.
Kinakaharap ni Discaya ang kasong malversation at graft na isinampa ng Office of the Ombudsman kaugnay sa maanomalyang flood control project sa Davao Occidental.
Ang proyekto na nagkakahalaga ng P96.5 milyon ay idineklarang tapos na noong 2022 ngunit natuklasang hindi umiiral matapos ang imbestigasyon ng CIDG.
Konektado si Discaya sa mga kumpanyang nakakuha ng malaking bahagi ng flood control contracts, kabilang ang Alpha & Omega General Contractor & Development Corporation.
Kasama rin sa kaso ang ilang opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na sangkot sa naturang proyekto.
Ayon sa Pangulo, hindi makakatakas sa hustisya ang mga sangkot sa katiwalian at inaasahang lalabas ang warrant ngayong linggo.
**
Magpapakalat ang National Capital Region Police Office (NCRPO) ng nasa 14,600 na mga kapulisan ngayong Christmas season.
Ayon sa NCRPO, na kalahati sa kanila ay nakatalaga sa mga matataong lugar gaya ng pangunahing kalsada, train stations, malls, palengke at mga simbahan bago ang pagsisimula ng Simbang Gabi.
Habang ang kalahati o katumbas ng 7,287 ay magsasagawa ng routine law enforcement duties gaya ng checkpoint operations, border control , field inspections at rapid police response sa Kamaynilaan.
Sinabi rin ni NCRPO chief Maj. Gen. Anthony Aberin , nais nilang tiyakin na maging ligtas ang publiko sa pagsasagawa ng kanilang pag-shopping at ilang aktibidad ngayong Holiday Season.
Una ng rito ay naitala ng NCRPO ang pagtaas ng 31 percent ng mga kaso ng nakawan, shoplifting at snatching kumpara noong nakaraang taon.