Dec 08, 2025 | 6:30 AM
Muling Pinatawan ng Sandiganbayan Special Third Division si Janet Lim Napoles ng reclusion perpetua o hanggang 80 taon na pagkakakulong. Ito ay dahil sa kasong two counts of malversation of public funds na may kinalaman sa hindi makatarungang paggamit ng Priority Development Assistance Fund (PDAF).
Sa 165 pahinang desisyon ng Sandiganbayan ay napatunayan si Napoles at ilan na guilty sa malversation of public funds ng namayapang si Benguet Rep. Samuel Dangwa na nagkakahalaga ng P19-milyon.
Nakasaad sa batas na ang taong sangkot sa malversation of public funds ay maaaring patawan ng reclusion perpetua kung lumagpasa sa halagang P8.8-M ang nakulimbat.
***
Tinutulan ni dating Presidential Spokesperson Atty. Harry Roque nitong Linggo ang kahilingan ng Pilipinas para sa isang Interpol Red Notice laban sa kanya, tinawag ng dating opisyal na paglabag aniya ito sa international regulation at ang panggigipit sa kanya ay bunga ng aniya’y mga politically motivated na kaso.
Sa isang pahayag, mariing tinanggihan ni Roque ang hiling na Red Notice, at iginiit na siya ay isang protektadong bona fide asylum seeker sa ilalim ng batas ng Netherlands at ng European Union.
Ayon sa kanya, may opisyal siyang dokumento mula sa Dutch Immigration and Naturalisation Service na nagpapatunay sa kanyang protektadong status.
Nanindigan pa si Atty. Roque na ang kasong syndicated trafficking laban sa kanya ay peke at bahagi ng tinawag niyang paghihiganti ng administrasyong Marcos laban sa mga alyado ng dating Pangulong Rodrigo Duterte.
***
Pinangunahan nina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at First Lady Liza Araneta-Marcos ang taunang “Balik Sigla, Bigay Saya 2025” gift-giving na ginanap sa Kalayaan Grounds, Malacañang.
Tinatayang nasa 3,000 mga bata mula sa DSWD centers at kalapit na barangay ang nakipagdiwang.
Sa kanyang mensahe, sinabi ng Pangulo na ang mga bata ang “pinakamalaking kayamanan ng bansa” at nagbibigay-lakas sa pamahalaan upang harapin ang mga hamon. Ngayong ika-apat na taon ng programa, muling ginawang mala-amusement park ang Palasyo na may inflatables, laro, circus acts at food stalls para sa mga bata.