Inihayag ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na mahigpit nilang minomonitor ang mga suspek na nahaharap sa kasong malversation through falsification at paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act, alinsunod sa utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Kabilang sa mga nasasakdal si Sarah Discaya, may-ari ng St. Timothy Construction.
Ayon sa DILG, kapag naipadala na ang warrant of arrest, agad itong ipatutupad upang dalhin sa korte ang mga sangkot.
Kaugnay nito, inihayag rin ng Philippine National Police (PNP) na seryosong tinutugunan nila ang mga alegasyon kaugnay ng umano’y ghost project. Sinabi ni Acting PNP Chief Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. na handa ang pulisya na magsagawa ng warrant execution at tumulong sa pag-iimbestiga.
Hinihikayat din ng PNP ang publiko, lalo na ang may direktang kaalaman sa kaso, na makipagtulungan sa mga awtoridad.
--------
Inihalintulad ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa sakit na kanser ang problema sa korapsyon ng bansa.
Sa pagharap ng Pangulo sa Malacañang Press Corp (MPC), sinabi ng Pangulo na dahil sa katiwalian ay marami ang nagdurusa kaya sinisimulan niyang linisin ang problema sa pamamagitan ng “major surgery”.
“But we are trying precisely to change the entire system. And when you have to excise a cancer out of such a complicated system, you need to do some very major surgery,” sabi ng Pangulo.
Humingi ng dispensa ang Pangulo sa maraming Pilipinong naapektuhan ng katiwalian, partikular ang dumanas ng mga matitinding pagbaha dahil sa palpak na flood control projects kaya panahon na para mawala ang talamak na problema na nagsimula tatlong dekada na ang nakaraan.
Aminado naman ang Pangulo na sadyang naging magulo at masakit ang mga pagbabagong ipinapatupad ng administrasyon dahil layunin nitong baguhin ang buong sistemang matagal nang pinaghaharian ng katiwalian.
Kasabay nito, humingi rin ng paumanhin sa publiko si Marcos sa naging epekto nito, subalit iginiit na kung hindi ito gagawin ay magpapatuloy lang ang maling gawain sa nakalipas na tatlong dekada.
Nilinaw din ng punong ehekutibo na alam ng kanyang team ang direksyong tinatahak at hindi sila nawawala sa landas, lalo na sa pagpapatuloy ng kampanya kontra korapsyon at abuso.
Sa kabila ng mahirap na kasalukuyang sitwasyon, umaasa naman si Marcos na balang araw ay masasabi ng mga Pilipio na “worth it” ang mga sakripisyo.
Matagal man aniya ang proseso, subalit kung magtatrabaho ng tuluy-tuloy ay makakamtan din natin ang hinahangad na magandang resulta.
----------
Ipinag-utos ng Supreme Court (SC) na ibalik sa Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) ang P60 bilyong pondo ng ahensiya na inilipat sa National Treasury at tuluyang ipinagbawal ang paglilipat ng natitirang P29.9 bilyon.
Sa desisyon na isinulat ni Associate Justice Amy C. Lazaro-Javier, nagpasya ang Court En Banc, sa boto ng mayorya, na ideklarang walang bisa ang Special Provision 1(d) ng 2024 General Appropriations Act (GAA) at ang Department of Finance (DOF) Circular No. 003-2024 dahil sa “grave abuse of discretion amounting to lack or excess of jurisdiction”.
Base sa Special Provision 1(d), pinapahintulutan na ibalik ang fund balance o sobrang reserve funds ng mga government-owned or controlled corporation (GOCC) sa National Treasury para gamitin sa unprogrammed appropriations sa ilalim ng 2024 GAA.
Nauna nang naglabas ng temporary restraining order (TRO) ang SC laban sa paglilipat ng natitirang P29.9 bilyong pondo ng PhilHealth at sa pagpapatupad ng Special Provision 1(d) at DOF Circular No. 003-2024.
Ayon sa SC, “rider” ang Special Provision 1(d) dahil hindi ito angkop sa layunin ng GAA, at nagpasok pa ito ng terminong “fund balance” na hindi naman nakasaad o malinaw na tinukoy sa batas. Sinabi rin ng SC na nilalabag nito ang Universal Health Care Act at Sin Tax Laws.
Binigyang-diin pa ng SC na hindi puwedeng ipawalang-bisa ng Kongreso ang Section 11 ng Universal Health Care Act sa pamamagitan ng General Appropriations Act.
Pinuna rin ng SC ang kalihim ng DOF.
“The SC also ruled that the Finance Secretary cannot, in any capacity, augment any item in the GAA because this power belongs to the President,” ayon sa pahayag ng SC.
Sa desisyon ng SC, inutos na ibalik ang P60 bilyong pondo ng PhilHealth sa ilalim ng 2026 GAA.
Samantala, nirerespeto ng Malacañang ang naging desisyon ng SC na idineklarang unconstitutional ang paglipat ng P60 bilyong pondo ng PhilHealth.
Sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Acting Secretary Dave Gomez na pag-aaralan ng Office of the Solicitor General (OSG) ang desisyon upang makagawa ng angkop na aksiyon kabilang na ang paghahain ng motion for reconsideration.
Ayon kay Gomez, sumunod lamang ang ehekutibo sa mandato ng Kongreso sa ilalim ng 2024 General Appropriations Act.
Nilinaw pa ni Gomez na noong Setyembre 20, 2025 ay gumawa ng proactive na mga hakbang si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. upang ibalik ang sobrang pondo ng Philhealth. (Prince Golez/Aileen Taliping)