Dec 31, 2025 | 7:30 AM
Magbabayad ng mas mataas na kuryente ang mga Manitoban sa 2026 matapos aprubahan ng Public Utilities Board o PUB ang interim 4% rate increase para sa Manitoba Hydro na magsisimula sa January 1.
Sakop ng pagtaas ang halos lahat ng customers, maliban sa mga nasa diesel zone. Ayon sa PUB, kinakailangan ang rate hike upang maprotektahan ang financial health ng Manitoba Hydro, na naapektuhan ng matinding tagtuyot.
Sinabi ng board na ang water flows sa watershed ng Hydro ay pangalawang pinakamababa sa loob ng 112 taon, dahilan upang bumagsak ang financial metrics ng utility ng mahigit $625 million. Una sanang humiling ang Manitoba Hydro ng 3.5% increase kada taon sa loob ng tatlong taon, ngunit pansamantala munang inaprubahan ang 4% para sa 2026.
***
Nagbabala ang Manitoba Wildlife Federation o MWF na nasa panganib ang hunting, fishing, at access sa Crown land sa Manitoba dahil sa court battles, blockades, licence cuts, at lumalawak na land claims. Ayon sa MWF, ito na ang pinakamahirap na taon sa kanilang kasaysayan at maaaring maalis ang access ng licensed hunters at anglers sa malalaking bahagi ng probinsya.
Binanggit ng federation ang mga isyu tulad ng blockades sa hunting areas, pagbaba ng game allocations, federal firearms policies, at mga alalahanin sa wildlife conservation, kabilang ang pagbaba ng moose population. Sa kabila nito, patuloy ang MWF sa advocacy, town halls, at education programs, habang nananawagan sa publiko na kumilos upang maprotektahan ang mga tradisyong rural at access sa lupaing publiko.