Isinusulong ni Parañaque City Representative Brian Raymund Yamsuan ang pagtatanggal ng ipinapataw na travel tax sa mga Pilipino at iba pang nationals ng ASEAN states na bibiyahe sa loob ng Southeast Asia.
Ayon kay Yamsuan makatutulong ang panukalang ito upang mapalakas ang lokal na turismo at mapababa ang gastos ng mga bumibiyahe. Sa kasalukuyan, P2,700 ang travel tax ng mga pasahero sa business class at P1,620 naman sa mga economy class passengers.
Sinabi ni Yamsuan na mayroong mga sektor, gaya ng overseas Filipino workers o OFWs at bata wala pang dalawang taong gulang, ang exempted sa pagbabayad ng travel tax samantalang mayroong mga bansa sa ASEAN na inalis na ang kaparehong buwis.
Nilinaw ng Department of Health o DOH na walang kaso ng tinatawag na “super flu” sa Pilipinas, sa kabila ng mga ulat na pagdami nito sa Estados Unidos at Europa.
Sa isang press conference nitong Dis¬yembre 30, sinabi ng DOH na nakapagtala ang bansa ng 41 kaso ng AH3N o Subclade K mula Agosto 6 hanggang Oktubre 24 lamang.
Gayunman, lahat ng mga pasyente ay gumaling na at wala nang aktibong kaso sa kasalukuyan.
Ayon kay DOH Spokesperson Albert Domingo, base sa World Health Organization risk assessment, hindi mas malala ang Subclade K sa karaniwang trangkaso.
Dagdag pa niya, kahawig lamang ito ng seasonal flu at epektibo ang mga kasalukuyang influenza vaccine laban sa Subclade K kaya walang dapat ikabahala ang publiko.