Nakahanda ang Russia sakaling giyerahin sila ng mga bansa sa Europa.
Ayon kay Russian President Vladimir Putin, na makailang ulit na niyang sinabi na ayaw nilang magkaroon ng giyera sa Europe subalit kung ipipilit nila ay nakahanda sila.
Inaakusahan kasi ni Putin ang mga bansa sa Europe na hinaharang ang peace efforts na isinusulong ni US President Donald Trump.
Malinaw din aniya na kinakampihan ng European Countries ang Ukraine kaya hindi matapos-tapos ang giyera.
Magugunitang makailang ulit na ring humihingi ng tulong si Ukraine President Volodymyr Zelensky sa mga bansa sa Europe para tuluyang talunin ang Russia.
-----
Bumuo ng independent committee ang gobyerno ng Hong Kong para pangunahan ang imbestigasyon sa naganap na malawakang sunog sa Wang Fuk Court Complex na ikinasawi na ng 156 katao.
Sinabi ni Hong Kong chief executive John Lee na pangungunahan ng isang judge ang independent investigator para mapanagot ang nasa likod ng pinaka-madugong sunog sa Hong Kong.
Mayroon ng 15 katao ang inaresto at iniimbestigahan na may kaugnayan sa naganap na sunog.
Magugunitang mayroon 30 iba pa ang hindi pa nakikita dahil sa malawakang sunog na naganap.
Nagsagawa ng tributes ang mga residente ng Hong Kong sa mga domestic helpers na nasawi na siyam ay mula sa Indonesia at isa sa Pilipinas.
-----
Ipagpapatuloy ngayong Disyembre ang paghahanap sa Malaysia Airlines Flight MH370 na mahigit isang dekada nang nawawala, ayon sa Malaysia transport ministry nitong Miyerkoles.
Sa isang pahayag, sinabi ng ahensya na nakatakdang magpatuloy ang misyon sa Disyembre 30. Magsasagawa ang Ocean Infinity ng seabed search operations sa loob ng 55 araw sa mga target area na may pinakamalaking posibilidad na matunton ang eroplano gayundin ang mga sakay nito.
Magugunitang naglaho ang flight MH370, isang Boeing 777 na patungong Beijing mula Kuala Lumpur, noong 2014 habang sakay ang 227 pasahero at 12 crew.
Hanggang ngayon ay nananatiling isa ito sa pinakamalalaking misteryo sa kasaysayan ng aviation. (Angelika Cabral)
-----
Irerekomenda ni Homeland Security Secretary Kristi Noem ang travel ban sa ilang mga bansa na nagtutungo sa US .
Sinabi nito na kaniyang nakausap si US President Donald Trump kung saan pinaburan ang nasabing plano.
Layon nito ay para mabawasan ang mga nagaganap na krimen sa US na ang sangkot ay pawang ng mga migrants.
Sa mga susunod na araw aniya ay iaanunsiyo nila ang mga bansang tuluyan ng pagbabawalang makapasok sa US.