Makalipas ang limang oras na negosasyon sa pagitan ng mga negotiator ng Amerika at Russia, bigo ang magkabilang panig na makagawa ng breakthrough sa Ukraine peace plan.
Ayon kay Kremlin spokesman Dmitry Peskov naging mabunga ang naturang pulong, subalit ilang parte ng plano ang hindi pa rin tinatanggap ng Russia.
Inihayag naman ng senior aide ni Russian President Vladimir Putin na si Yuri Ushakov na kasama sa Moscow meeting, wala pa silang nabuong kasunduan, kayat marami pa aniya ang kailangang trabahuin.
Ilan sa mga hindi pinagkasunduan ng Moscow at Kyiv ay ang pagtutol ng Ukraine na isuko ang kanilang teritoryo na patuloy nitong kontrolado at ang security guarantees na ibibigay ng Europa.
Kabilang nga sa dumalo sa naturang pulong sina US Special envoy to the Middle East Steve Wikoff at son-in-law ni US President Donald Trump na si Jared Kushner, na hindi pa nagbibigay ng komento mula nang umalis sa Moscow matapos ang naturang negosasyon.
-----
Siyam na marinong Pilipino na bihag ng militanteng grupong Houthi sa Yemen ang palalayain na, ayon sa anunsiyo ng Department of Foreign Affairs (DFA).
Kabilang ang siyam na Pinoy sa mga tripulante ng Liberia-flagged vessel na M/V Eternity C na inatake ng Houthi rebels at binihag mula pa noong Hulyo.
Ayon sa DFA, batay sa impormasyon mula sa mga awtoridad ng Sultanate of Oman, ililipat na ang mga Pinoy mula Sana’a, Yemen patungong Muscat, Oman matapos ang matagumpay na negosasyon.
“The release was the outcome of efforts of Oman, in cooperation with the Philippine Department of Foreign Affairs Secretary Ma. Theresa Lazaro personally discussed the plight of the Filipinos with her Omani counterpart, Foreign Minister Sayed Badr bin Hamad El-Busaidi, during a bilateral meeting in July, and again raised the matter during a phone call in November,” pahayag ng ahensya.
Samantala, inihahanda na ng Philippine Embassy sa Muscat at ng Migrant Workers Office-Muscat ang agaran at ligtas na pagpapauwi sa mga seafarer.
Matatandaan namang nauna na ring nailigtas at naibalik sa Pilipinas ang walo pang tripulanteng Pinoy ng M/V Eternity C. (AM)
-------
Nanamlay ang shares ng Airbus matapos nitong kumpirmahin ang ikalawang isyu sa metal paneling ng ilang A320 jets.
Ang mga panel na gawa ng Sofitec Aero ay lumabas na may depektibong kapal at kailangang inspeksyunin.
Tinatayang mahigit 600 eroplano ang posibleng apektado ngunit iginiit ng Airbus na ligtas pa rin ang mga biyahe.
Ito ay tatlong araw lamang matapos ang anunsyo ukol sa software recall sa halos 6,000 A320 dahil sa epekto ng solar flares sa flight-control system.
Nagdulot ito ng malawakang pagkaantala sa operasyon ng ilang airlines, partikular sa Latin America at Asia.
Dahil sa sunod-sunod na aberya, bumagsak ang presyo ng Airbus shares sa Paris trading.
Nanatiling nakamasid ang mga regulators at investors sa susunod na hakbang ng Airbus upang maibalik ang tiwala sa kanilang produkto. (ibtimes.uk)