Skip to content

December 29 - 7 am NEWS

December 29 - 7 am NEWS
DONNA NATIVIDAD-ARENAS
Dec 29, 2025 | 7:30 AM
Mahigit 53,000 Manitobans ang nakakuha ng libreng birth control sa unang taon ng provincial free contraception program sa Manitoba. Simula Oktubre 2024, sakop ng program ang halos 60 uri ng birth control, kabilang ang pills, IUDs, hormonal implants, at injections. Kailangan lang ng prescription at Manitoba health card para ma-avail ang program.
  
Sa loob ng isang taon, na-dispense ang 190,000 prescriptions, at halos 9 sa 10 dito ay oral contraceptives o “the pill.” Ayon kay Health Minister Uzoma Asagwara, malinaw na mataas ang demand para sa libreng contraceptives, na nakatulong sa mga taong dati ay hindi afford.
****
Sampung rail cars ang nadiskaril madaling-araw ng Linggo malapit sa Jubilee station ng Winnipeg Transit, ayon sa Canadian National Railway o CN. Sinabi ng CN na nangyari ang derailment bandang alas-tres ng umaga. Walo sa mga rail car ang tumagilid habang dalawa ang nanatiling nakatayo. Kinumpirma ng kumpanya na walang dangerous goods na karga ang mga ito at walang naiulat na sunog, pinsala, o tagas.
Ayon sa CN, walang banta sa kaligtasan ng publiko at patuloy na iniimbestigahan ang sanhi ng insidente.
Kinumpirma rin ng Winnipeg Fire Paramedic Service na rumesponde ang kanilang mga tauhan ngunit hindi na kinailangang manatili sa lugar matapos matukoy na kontrolado na ng CN responders ang sitwasyon.
**
Nagbabala ang City of Winnipeg sa mga residente na mag-ingat upang maiwasan ang garage fires matapos rumesponde ang mga bumbero sa tatlong magkakahiwalay na sunog sa loob ng 24 oras nitong weekend.
Ayon sa lungsod, tumugon ang Winnipeg Fire Paramedic Service sa mga sunog sa mga garage sa St. Martin Boulevard, Downing Street, at Inkster Boulevard. Patuloy pa ring iniimbestigahan ang mga insidente, ngunit walang naiulat na nasugatan.
Sinabi ni  Deputy Chief Jay Shaw na karaniwan ang pagdami ng garage fires tuwing winter months. Kadalasang sanhi umano nito ang maling paggamit ng heaters, extension cords, at hindi tamang pag-iimbak ng gasolina at iba pang flammable na gamit sa loob ng garage.