Dec 26, 2025 | 6:30 AM
Hinikayat ng grupo ng mga may-ari ng sasakyan ang mga mambabatas na magpasa ng batas laban sa road rage. Ayon kay Automobile Association of the Philippines President Augustus Ferreira , na kapag mayroong mabigat na kaparusahan sa batas ay magdadalawang isip ang mga drivers.
Dagdag pa nito na dapat din ay magkaroon ng psychological test ang mga drivers bukod sa theoretical at practical test para makakuha pa ng drivers license. Magugunitang ilang insidente ng road rage ang naitala ng mga kapulisan ngayong buwan pa lamang ng Disyembre.
***
Iniulat ng Department of Health (DOH) ang pagtaas sa bilang ng mga acute non-communicable disease complications sa ngayong Pasko.
Mula December 21 hanggang December 24, ayon sa ahensiya, mayroon nang dalawang nasawi dahil sa naturang komplikasyon: isa rito ay acute stroke habang ang pangalawa ay acute coronary syndrome.
Batay sa huling surveillance ng ahensiya, marami sa mga naospital dahil dito ay may edad 60 hanggang 69.
**
Naging matagumpay ang paglunsad ng Diocese of Kalibo sa makasaysayang panawagan sa radyo ni Jaime Cardinal Sin, na kinilalang mahalagang boses sa People Power Revolution.
Ayon kay Rev. Fr. Justy More, chancellor ng Diocese of Kalibo, opisyal na itong nai-record sa UNESCO Memory of the World Register.
Ang naturang pagkilala ay nagpapakita ng mahalagang papel ng broadcast sa pagsulong ng demokrasya at matiwasay na pagbabago sa Pilipinas. Isinagawa ang pormal na paglunsad at seremonya ng pagkilala sa bayan ng Kalibo, araw ng Lunes, Disyembre 22, 2025.