Hinimok ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang mga Pilipino na alagaan ang kanilang kalusugan at kaligtasan upang maging masaya at mapayapa ang pagdiriwang ng Pasko.
Sa kaniyang BBM VLOG, binati ng Pangulo ang mamamayang Pilipino at nagpahayag ng kanyang hangaring maging masaya at tahimik ang selebrasyon ng Pasko kasama ang pamilya at mga mahal sa buhay.
Nagpaalala rin si Pangulong Marcos na maghinay-hinay sa pagkain lalo na sa mga handaan at Christmas party. Ayon sa Punong Ehekutibo, tumataas ang mga kaso ng atake sa puso tuwing kapaskuhan dahil sa labis na pagkain ng matataba.
Bukod dito, pinayuhan din ng Pangulo ang mga motorista na mag-ingat sa pagmamaneho lalo na ngayong panahon ng bakasyon at mga paglalakbay.
Para naman sa pagsalubong ng Bagong Taon, hinikayat ni Pangulong Marcos ang publiko na iwasan ang paggamit ng mga paputok at sa halip ay gumamit ng mga torotot at iba pang ligtas na maingay na laruan.