Skip to content

December 24 - 6 am NEWS

December 24 - 6 am NEWS
DONNA NATIVIDAD-ARENAS
Dec 24, 2025 | 6:30 AM

Nagbabala ang Bangko Sentral ng Pilipinas o BSP sa publiko laban sa patuloy na paglaganap ng mga mapanlinlang na gawain na ilegal na gumagamit sa pangalan ng mismong BSP o kaya naman ay sa mga pangalan ng mga opisyal nito.

Ayon sa Central Bank, layon umano ng modus na ito na lokohin ang publiko.

Ilan sa mga dokumentong pinepeke at ginagamit sa panloloko ay kinabibilangan ng mga “assurance letters,” mga sertipikasyon, at iba pang mga dokumento na may kaugnayan sa iba’t ibang uri ng pautang, mga deposito sa bangko, at iba pang transaksyong pinansyal.

Bukod pa rito, madalas din nilang subukang makuha ang mga personal at pinansyal na impormasyon ng kanilang mga biktima sa pamamagitan ng iba’t ibang paraan ng panghihikayat at panlilinlang.

**

Inanunsiyo ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na suspendido ang number coding sa kasagsagan ng Christmas at New Year break.

Simula kahapon,m  Disyembre 23 hanggang sa mismong araw ng Pasko, Disyembre 25 suspendido ang number coding gayundin sa Disyembre 29 hanggang sa 31, bisperas ng bagong taon at sa mismong New Year, Enero 1 hanggang 2 ng taong 2026.

Ipinaliwanag naman ni MMDA chairman Romando Artes na walang pagbabago sa umiiral na number coding scheme ngayong linggo sa kabila ng pagsisimula na ng matagal ng nakabinbing rehabilitasyon ng EDSA kung saan sisimulan na ang inisyal na pagsasaayos dito gabi ng bisperas ng Pasko, Disyembre 24 hanggang umaga ng Enero 5.

 

***

Ipinangalan kay Dr. Jose Rizal ang isang intersection sa Woodside, Queens, New York, bilang pagpupugay sa Philippine national hero at sa mga migranteng Pinoy.

Ang naturang komunidad ay isa sa mga komunidad sa US na may maraming Pinoy na naninirahan.

Inihain ng Filipino-American legislator na si Steven Raga sa New York State Assembly ang panukala para palitan ang dating pangalan ng naturang intersection na nasa Woodside Avenue and 58th Street, na sinuportahan naman ng kaniyang kapwa local legislators.

Pinangunahan ni Philippine consul general in New York Senen Mangalile ang unveiling ceremony kung saan binigyang-diin ng opisyal na ang paggamit sa pangalan ng pambansang bayani ay isang malaking karangalan, lalo na sa mga migranteng Pinoy na naroon.