Naniniwala si Finance Secretary Frederick Go na ang paglalathala ng Implementing Rules and Regulations o IRR para sa Republic Act No. 12253, na kilala rin bilang ang Enhanced Fiscal Regime for Large-Scale Metallic Mining Act, ay isang mahalagang hakbang upang mahikayat ang mas maraming mamumuhunan na pumasok at magnegosyo sa sektor ng pagmimina sa Pilipinas.
Ayon kay Secretary Go, ang paglalabas ng IRR na ito ay magbibigay katiyakan na ang mga Pilipino ay makakakuha ng patas na bahagi mula sa likas na yaman ng bansa, pangunahin sa pamamagitan ng pagpapabuti at pagpapahusay ng pagsunod sa mga regulasyon sa pagbabayad ng buwis.
Ito ay bilang pagtugon sa panawagan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. na magtatag ng isang mas makatarungan at may pananagutang sistemang piskal para sa pagmimina, na naglalayong balansehin ang pag-unlad ng ekonomiya at responsableng pamamahala sa likas na yaman.
**
Inihayag ng ilang Philippine security officials ang kanilang pag-aalala sa maling paggamit ng artificial intelligence (AI) para sa terorismo, na itinuturing na isang “emerging trend.”
Kaugnay nito, isinusulong nila ang pagkakaroon ng limitasyon para sa mga menor de edad sa paggamit ng digital platforms upang mapigilan ang marahas na radikalisasyon.
Sa isang press conference, sinabi ni Anti-Terrorism Council (ATC) Executive Director Undersecretary Bernardo Florece Jr. na ginagamit na umano ang AI ng mga extremist groups upang mag-recruit ng mga kabataan.Binanggit din ni Florece ang naging hakbang ng Australia na ipagbawal sa mga menor de edad, hanggang edad 16 o 17, ang paggamit ng ilang social media platforms.