Skip to content

December 23 - 7 am NEWS

December 23 - 7 am NEWS
DONNA NATIVIDAD-ARENAS
Dec 23, 2025 | 7:30 AM

Ibinahagi ng Manitoba Public Insurance o MPI ang top five insurance fraud cases ng 2025, kung saan umabot sa $17 million ang naiwasang fraudulent claims, at $2 million dito ay mula sa limang pinaka-grabeng kaso.

Nanguna sa listahan ang isang claimant na nag-ulat ng matinding injury matapos ang minor car crash at sinabing hindi na siya makapagtrabaho, pero natuklasan ng Special Investigation Unit (SIU) na aktibo siyang nagwo-workout at nagbubuhat ng mabibigat na weights. Mahigit $300,000 ang natipid matapos itigil ang kanyang benefits.

Kasunod nito ang isang commercial truck owner na nag-claim na nasugatan habang sinusubukang patayin ang apoy mula sa sumabog na sasakyan, ngunit napatunayang siya mismo ang nag-stage ng arson. Tinanggihan ang claim na nagkakahalaga ng halos $1 million.

Ayon sa MPI, patuloy ang kanilang imbestigasyon at pagbawi ng mga pondong nailabas na sa mga fraudulent claims.

Nagkaroon na ng tentative agreements ang Canada Post at ang Canadian Union of Postal Workers (CUPW), na sasailalim sa ratification vote ng mga miyembro sa unang bahagi ng 2026. Saklaw ng kasunduan ang Urban Postal Operations at Rural and Suburban Mail Carriers, at inirerekomenda ng union leadership na tanggapin ito ng kanilang mga miyembro.

Kasama sa kasunduan ang 6.5% wage increase sa unang taon, 3% sa ikalawang taon, at mga susunod na taon ay naka-base na sa inflation rate hanggang 2029. Mayroon din itong enhanced benefits at bagong weekend parcel delivery model. Habang isinasagawa ang ratification process, nagkasundo ang dalawang panig na walang strike o lockout na mangyayari.

Kung tuluyang maaprubahan, matatapos nito ang mahigit dalawang taon ng labor dispute sa pagitan ng Canada Post at ng unyon na kumakatawan sa humigit-kumulang 55,000 workers. Sa kabila nito, nananatiling nasa financial trouble ang Canada Post matapos mag-report ng record $541-million loss at umasa sa federal loan na inaasahang mauubos bago matapos ang taon.