Skip to content

December 23 - 6 am NEWS

December 23 - 6 am NEWS
DONNA NATIVIDAD-ARENAS
Dec 23, 2025 | 6:30 AM

Inihayag ng Department of Migrant Workers  na nasa 3,000 overseas Filipino worker o OFW ang nahaharap sa iba’t ibang kaso, kabilang ang 24 na nakapila sa death row.

Sinabi ni Secretary Hans Leo Cacdac na ginagawa ng pamahalaan ang lahat ng paraan at may koordinasyon sila sa Department of Foreign Affairs upang mabigyan ng kinakailangang legal na tulong ang mga naturang OFW.

Sa Saudi Arabia ang may pinakamaraming OFW na nahaharap sa mga legal na kaso.  Kabilang sa mga kinakaharap na kaso ng mga OFW ay kaugnay sa kanilang trabaho at kasong kriminal o mayroon din na  may kaugnayan sa droga na karaniwang kaso ng mga OFW na nasa death row.

**

Sinampahan ng kasong plunder, graft at technical malversation ng grupong Save The Philippines Coalition si Executive Secretary Ralph Recto at dating Philippine Health Insurance Corp. President Emmanuel Ledesma Jr.

Nagbunsod ang kaso sa paglipat ng P60-bilyon na sobrang pondo ng Philhealth sa national treasury.  Sa 15-pahinang reklamong inihain sa Office of the Ombudsman ay nanawagan sila ng pagtanggal sa puwesto sina Recto at Ledesma.

Ipinilit umano ni Recto na noon ay Finance Secretary na ibalik ang pondo sa national treasury kahit na may mga prohibition sa batas. Habang si Ledesma ay dapat mapanagot dahil sa hinayaan nito ang nasabing paglipat ng pondo.

Inaprubahan ng House of Representatives nitong Lunes sa ikatlo at huling pagbasa ang 12 panukalang batas na prayoridad ng Legislative Executive Development Advisory Council o LEDAC bago suspendihin ang sesyon para sa Christmas break.

Kabilang sa mga inaprubahan ang Assistance to Individuals in Crisis Situation, National Reintegration Bill para sa mga OFW, at ang National Center for Geriatric Health Bill para sa mas maayos na serbisyong medikal ng mga nakatatanda.

Pinagtibay rin ng Kamara ang mga panukalang may kinalaman sa edukasyon, kabilang ang mga amyenda sa Government Assistance to Students and Teachers in Private Education Act at Teachers Professionalization Act.