Skip to content

December 22 - 8 am NEWS

December 22 -  8 am NEWS
DONNA NATIVIDAD-ARENAS
Dec 22, 2025 | 8:30 AM

Halos dumoble ang rate ng hospitalization mula sa influenza sa Canada kumpara sa nakaraang linggo, habang tumaas ang mga kaso ng halos 30 porsyento, ayon sa pinakabagong datos ng Health Canada. Para sa linggong nagtatapos noong Dec. 13, naitala ang 11,646 bagong kaso, o 27.7% ng lahat ng tests sa bansa, mula sa 6,799 kaso at 20.2% positivity rate noong linggo bago iyon.

Tumaas din ang hospitalizations sa 6.2 per 100,000 population mula sa 3.9, at ang bilang ng mga flu outbreaks sa bansa ay tumaas mula 91 sa unang linggo ng December hanggang 186 sa linggong nagtatapos Dec. 13. Widespread ang flu activity sa 11 rehiyon sa British Columbia, Alberta, Saskatchewan, Ontario, at Quebec, na pinakaapektado ang mga batang 4 na taon pababa at mga senior na 65 pataas.

Ang dominant strain ay influenza A(H3N2) kasama ang subvariant na A(H3N2) subclade K. Sa Ottawa, tatlong bata mula 5 hanggang 9 na taon ang namatay dahil sa komplikasyon ng flu. Maraming ospital, kabilang ang Children’s Hospital of Eastern Ontario at emergency rooms sa Alberta, ang nakararanas ng tumaas na pasyente dahil sa influenza, habang health officials ay nananawagan sa lahat na edad 6 buwan pataas na magpabakuna.

Mahigit 75 porsiyento ng post-secondary students sa Canada ang nahihirapan sa mental health, lalo na habang papalapit ang pagtatapos ng semestre, ayon sa datos ng Universities Canada. Halos 90% ng mga estudyante ang nagsabing overwhelmed sila sa responsibilidad, habang 66% ang nakararanas ng matinding anxiety.

Sa kabila nito, kalahati lamang ng mga estudyante ang gumagamit ng mental health services ng kanilang unibersidad, batay sa 2022 data mula sa Canadian Association  of Student Associations at Mental Health Commission of Canada.

Ayon kay Dr. Vera Kohut, family physician at medical director ng Serefin Health Clinic sa Toronto, partikular na mahirap ang panahong ito para sa mga young adults dahil sa academic pressure, time management, social adjustment, at pinansyal na alalahanin. Dagdag pa rito ang pag-aadjust sa bagong paraan ng pagkatuto at pamumuhay nang malayo sa pamilya.

Sinabi ni Kohut na mahalaga ang papel ng mga magulang sa pagsuporta sa kanilang mga anak, lalo na sa pamamagitan ng pakikinig nang walang panghuhusga.