Skip to content

December 22 - 7am NEWS

December 22 - 7am NEWS
DONNA NATIVIDAD-ARENAS
Dec 22, 2025 | 7:30 AM

Malaki ang itinaas ng tawag para sa roadside assistance sa Winnipeg kasunod ng malakas na snow at blizzard conditions na tumama sa lungsod at southern Manitoba nitong nakaraang linggo.

Ayon sa CAA Manitoba, mahigit 2,700 calls ang kanilang tinugunan mula Huwebes hanggang Linggo ng hapon, at halos 65 porsiyento nito ay may kinalaman sa towing. Karaniwan, nasa 200 hanggang 300 calls kada araw ang natatanggap tuwing winter, pero mula Huwebes hanggang Linggo ay lampas 350 calls kada araw, na nagdulot ng mas mahahabang waiting time para sa mga motorista.

Batay sa Environment and Climate Change Canada, umabot sa 10–20 sentimetro ng snow ang bumagsak sa Winnipeg simula Miyerkules ng gabi, habang nasa 30 sentimetro naman sa mga lugar sa hilaga ng lungsod. Dahil dito, daan-daang sasakyan ang na-stranded at pansamantalang iniwan sa kalsada.

Naapektuhan din ang public transit. Ayon sa City of Winnipeg, mahigit 200 city buses ang na-stuck noong Huwebes, at 11 pa noong Biyernes ng umaga. Dahil sa kondisyon ng panahon, may mga transit operators na umabot sa 15 oras ang duty, ayon sa ATU Local 1505.

***

Patuloy na nakikilala ang Winnipeg bilang isang pangunahing lokasyon para sa paggawa ng holiday-themed movies, lalo na para sa U.S.-based Hallmark Channel, ayon sa mga industry players.

Ayon sa Manitoba Film and Music, naging kaakit-akit ang probinsya sa mga film crew dahil sa kombinasyon ng malalim na talent pool, maayos na infrastructure, at malalakas na tax incentives. Tinuturing na isa sa pinaka-competitive sa Canada ang film tax credits ng Manitoba, na nagbibigay ng hanggang 65 porsiyentong tax credit sa salary costs o hanggang 38 porsiyento sa production costs.

Dagdag pa ng ahensya, may mga bihasa at karanasang local crews ang probinsya kaya maraming productions ang bumabalik upang dito mag-shoot.

Binanggit din na ang mahahabang taglamig at presensya ng snow kahit spring months ay malaking bentahe para sa Christmas movie productions. Bukod dito, ang iba’t ibang landscape at arkitektura ng Winnipeg ay nagbibigay-daan upang magmukha itong iba’t ibang lungsod sa pelikula.

**

Naglabas ng babala ang Canadian Food Inspection Agency (CFIA) kaugnay ng recall ng ilang Inspired Go pre-made meal products dahil sa posibleng listeria contamination.

Limang produkto ang sakop ng recall: Bento Noodle Bowl, Greek Mezze Salad, Dill Chickpea Salad, Super Solstice Salad, at Pickle Platter Snack Pack. Ibinebenta ang mga ito sa Alberta, B.C., Manitoba, Saskatchewan at online.

Pinapayuhan ang publiko na huwag kainin, ibenta o gamitin ang mga produkto at itapon o ibalik kung saan binili. Ayon sa CFIA, ang listeria ay maaaring magdulot ng lagnat, pagsusuka, pananakit ng kalamnan at ulo, at mas delikado para sa buntis, senior citizens at may mahinang immune system.

Wala pa namang naiulat na nagkasakit kaugnay ng recall. Ang hakbang ay boluntaryong inilunsad ng kumpanyang Inspired Go.