Skip to content

December 22 - 6 am NEWS

December 22 - 6 am NEWS
DONNA NATIVIDAD-ARENAS
Dec 22, 2025 | 6:30 AM

Isinusulong ni Sen. Erwin Tulfo ang Senate Bill No. 1625, o ang “West Philippine Sea (WPS) Education Act,” na nag-aatas sa Department of Education (DepEd) at Commission on Higher Education (CHED) na isama ang mga paksa at materyales tungkol sa naturang isyu sa curricula ng basic at higher education.

Sa naganap na agresyon sa Escoda Shoal na nanakit sa mga mangingisdang Pilipino, sinabi ni Tulfo na hindi tayo maaaring manatiling walang kibo habang ang ating mga kababayang nagbabantay sa WPS, lalo na ang ating mga mangingisda, ay patuloy na nasasaktan. Kailangan nating maging maalam sa ating mga karapatan at sa mga polisiyang dapat sundin. 

Sa ilalim ng panukala ni Tulfo, gagawing opisyal na bahagi ng curricula sa parehong basic at higher education ang isang komprehensibong WPS Education and Awareness program.

**

Nilinaw ng Department of Health na hindi na kinakaila­ngan ng guarantee letters  mula sa mga politiko upang mai-avail ang Medical Assistance for Indigent and Financially Incapacitated Patients program.

Ayon sa spokesperson Assistant Secretary Albert Domingo, ang desisyon kung sino ang maaa­ring tumanggap at kung magkano ang halagang dapat na ipagkaloob sa mga benepisyaryo ng programa ay nasa kamay ng mga itinalagang medical social workers.

Kaugnay nito, pinayuhan ni Domingo ang mga pasyente na humihingi ng tulong sa ilalim ng programa na direktang makipag-ugnayan sa medical social services o social workers ng pagamutan, hinggil sa mga rekisitos ng programa at arrangements ng pagamutan sa DOH.

Inihayag pa ni ­Domingo na maraming pribadong pagamutan at halos lahat ng LGU hospital at DOH hospital ay may access sa programa.

**

Matapos kumpirmahin ang pagkakakilanlan ng natagpuang labi sa Benguet, tinututukan na ng Philippine National Police (PNP) ang lahat ng pangyayaring nagbunsod sa pagkamatay ni dating Dept of Public Works and Highways Undersecretary Maria Catalina Cabral.

Ayon kay PNP ­Acting Chief PLt Gen. Jose Melencio C. Nartatez, Jr., maingat na isinasagawa ang imbestigasyon lalo’t national interest ang insidente dahil sa mga alegasyon ng pagkakasangkot ni Cabral sa multi-bilyong pisong isyu ng flood control.

Ito rin aniya ang dahilan ng pagsasailalim sa interogasyon sa kaniyang driver at pagsasagawa ng iba pang mga hakbang para mabigyang-linaw kung ano ang tunay na nangyari bago ang naiulat na pagkamatay ni Cabral.

Sinabi rin ni Nartatez na nakikipag-ugnayan ang PNP sa Independent Commission for Infrastructure (ICI) at iba pang kinauukulang ahensya para matukoy ang mga ebidensyang kailangang masiguro kaugnay ng imbestigasyon sa flood control.