Halos kalahati ng mga Pilipino ang naniniwalang mahina ang kalagayan ng bansa, ayon sa Pahayag 2025 End of the Year (PEOY-2025) survey ng PUBLiCUS Asia Inc.
Sa survey na ginawa noong Disyembre 7-10, 2025 at nilahukan ng 1,500 rehistradong botante sa bansa, 49% ang nagsabing mahina ang kalagayan ng bansa habang 31% lamang ang nagsabing nasa tamang direksiyon.
Sa kabila ng negatibong pananaw sa estado ng bansa, 37% naman ang naniniwalang gaganda ang ekonomiya at 55% ang umaasang bubuti ang kanilang kabuhayan sa susunod na quarter.
Sa nabanggit na survey, mataas naman ang approval at trust rating ni Vice President Sara Duterte kumpara kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Bumaba sa 22% ang approval rating ni Marcos mula sa 24% noong nakaraang quarter, gayundin ang trust rating na 15% mula sa 17%.
Iniuugnay ito ng publiko sa mabagal na imbestigasyon sa maanomalyang flood control projects at kakulangan ng pananagutan ng mga sangkot dito (14%), isyu ng alegasyon ng umano’y paggamit niya ng cocaine (11%) at pagtanggi ng pangulo na sumailalim sa drug test (10%).
Samantala, ang approva¬l rating ni VP Duterte ay nasa 34%, bagama’t bumaba ito mula sa 36%, habang 31% ang nakuha nitong trust rating mula sa 32%.
Nakaapekto naman umano sa kanyang performance ang malaking pagtaas ng kanyang net worth (21%) at ang madalas na kritisismo at kakulangan ng kooperasyon sa administrasyon (10%). (Angelika Malillin)
----
Inanunsiyo ng administrasyon ni US President Donald Trump ang pagbebenta ng armas sa Taiwan na nagkakahalaga ng mahigit $10 bilyon, kabilang ang mga medium-range missile, self-propelled howitzer, drone at iba pang kagamitang militar.
Ayon sa U.S. State Department, saklaw ng deal ang 82 HIMARS, 420 ATACMS missile, mga missile system tulad ng Javelin at TOW, military software at mga piyesa ng helicopter.
Layunin ng nasabing deal na palakasin ang kakayahan ng Taiwan sa sariling depensa at mapanatili ang balanse at katatagan ng seguridad sa rehiyon.
Nagpasalamat ang Taiwan at sinabing mahalaga ang tulong ng U.S. sa pagpigil sa posibleng sigalot sa Taiwan Strait, habang inaasahan na tututol ang China sa nasabing hakbang. (Angelica Malillin)
-----
Inaprubahan ng US Senate ang panukalang batas para sa paglalaan ng $2.5 billion na halaga ng security assistance para sa Pilipinas.
Ang naturang bill na tinawag na Philippines Enhanced Resilience Act (PERA Act), na in-introduce nina Senators Bill Hagerty at Tim Kaine, ay magootorisa ng hanggang $500 million na ilalaan para sa Foreign Military Financing (FMF) grant assistance sa Pilipinas mula 2026 hanggang 2030, o kabuuang $2.5 billion sa loob ng limang taon.
Layunin ng naturang bill na palalimin pa ang defense cooperation ng US at Pilipinas at palakasin pa ang defense capabilities at interoperability ng alyansa ng dalawang bansa para matugunan ang lumalawak na mga banta sa Indo-Pacific Region.
Inihayag naman ni Philippine Ambassador to Washington Jose Manuel Romualdez na ito na ang pinakamalaking defense assistance package ng US para sa Pilipinas, na pinakamatagal nitong kaalyado sa Asiya.
Samantala, ipapadala na ang naturang bill sa opisina ni US President Donald Trump para lagdaan bilang ganap na batas.