Skip to content

December 19 - 7 am NEWS

December 19 - 7 am NEWS
CHESTER PANGAN
Dec 19, 2025 | 9:31 AM

Naglabas ng pahayag si Atty. Gilbert Andres, Executive Director ng CenterLaw, kaugnay ng paglalabas ng public redacted versions ng obserbasyon mula sa Office of the Prosecutor, Office of the Public Counsel for Victims, at ng Depensa sa International Criminal Court (ICC).

Ayon kay Andres, positibong hakbang para sa mga biktima ng “war on drugs” ang pagkilala ng Expert Panel na si dating Pangulong Rodrigo Duterte ay competent o fit to stand trial sa pre-trial proceedings.

Iginiit niya na matagal nang nauunawaan ng mga biktima na may kakayahan si Duterte na humarap sa paglilitis, kaya’t inaasahan nilang kikilalanin ito ng Pre-Trial Chamber.

Umaasa rin ang mga biktima na agad na magtakda ng confirmation of charges upang maisulong ang kanilang karapatan sa hustisya at katotohanan sa ilalim ng international law.


Ang ICC ay kasalukuyang nagsasagawa ng imbestigasyon sa libo-libong pagkamatay na naganap sa ilalim ng kampanya kontra droga mula 2016 hanggang 2019.

Tinatayang mahigit 30,000 katao ang napatay sa anti-drug operations, karamihan mula sa mahihirap na komunidad, na siyang batayan ng kasong crimes against humanity.

Kung kikilalanin ng ICC Pre-Trial Chamber ang kakayahan ni Duterte na lumahok sa paglilitis, inaasahang susunod na hakbang ang pormal na pagdinig sa mga kaso laban sa kanya.

----

Isang hinihinalang pagkahulog ang iniulat sa Kennon Road, Barangay Camp 4, Tuba, Benguet, matapos matagpuan ang isang babae na walang malay sa gilid ng Bued River.

Kinilala ng pulisya ang biktima na si Maria Catalina Cabral, dating opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at residente ng Barangay Tatalon, Quezon City.

Ayon sa paunang imbestigasyon ng Benguet PNP, alas-3:00 ng hapon ng Disyembre 18, 2025 nang huling nakita ang biktima sa bahagi ng Kennon Road matapos umano nitong hilingin sa kanyang driver na si Ricardo Munos Hernandez, 56-anyos, residente ng Palatiw, Pasig City na ibaba sa lugar.

Sakay ang ex-DPWH official ng isang Sel Blue Toyota Carnival na may plakang PNIH 8088.

Batay pa sa salaysay sa mga awtoridad ng driver na alas-5:00 ng hapon o pagkalipas ng dalawang oras ay bumalik siya sa pinagbabaan ni Cabral ngunit hindi na niya ito matagpuan.

Hinagilap pa umano ng driver si Cabral hanggang sa Ion Hotel sa Baguio City sa pag-asang makita ito pero bigo itong matagpuan.

Alas-7:00 ng gabi bumalik muli sa pinagbabaan ng opisyal ang driver pero wala pa rin kaya’t nagtungo ito sa Viewdeck Station 8, BCPO para ipagbigay-alam sa mga awtoridad ang pangyayari.

Agad na rumesponde ang Tuba Municipal Police, katuwang ang MDRRMO at Bureau of Fire Protection para sa retrieval.

-----

 Inanunsiyo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na bukas na ang emergency loan program ng Social Security System (SSS) simula ngayong Disyembre.

Sa pinakabagong vlog ni Marcos, inihayag nito na ang hakbang ay bunsod na rin sa pagsasailalim sa bansa sa State of National Calamity para masiguro na may maasahang pondo ang bawat Pilipino sa oras ng pangangaila­ngan ng hindi nalulubog sa utang.

Sa ilalim ng programa ng SSS maa­aring mag-avail ang mga kwalipikadong miyembro ng emergency loan na may 7% interes kada taon at 6 na buwang moratorium. Dahil dito kaya may oras aniya ang pamilya na makabangon bago magsimulang magbayad.

Giit pa ng Pangulo, abot kaya at isa itong malinaw na alternatibo sa mapagsamantalang pautang.

Sa pamamagitan din aniya ng SSS emergency loan, makakasiguro ang mga miyembro nito na ang inutang ay ligtas, abot kaya at malinaw na alternatibo sa halip ?na 5/6 na doble sa halaga ng inutang.