Skip to content

December 19 - 6 am NEWS

December 19 - 6 am NEWS
CHESTER PANGAN
Dec 19, 2025 | 8:04 AM

Sinisi ni U.S. President Donald J. Trump si dating U.S. President Joseph R. Biden sa patuloy na pagtaas ng presyo ng bilihin sa Estados Unidos.

Ginaawa ni Trump ang pahayag matapos ang evening address sa White House kung saan sa maikling talumpati, ipinagmamalaki ni Trump ang mga nagawa ng kanyang administrasyon, kabilang ang pagbawas umano ng illegal border crossings at pagbaba ng presyo ng ilang produkto.

Gayunman, kakaunti ang inilahad niyang bagong reporma para tugunan ang mataas na gastusin ng mga Amerikano.

Inanunsyo rin ng Pangulo ang pamamahagi ng “warrior dividend” na $1,776 para sa 1.45 million miyembro ng US military at ang pagsuporta nito sa panukalang tulong-pinansyal sa publiko para sa kanilang gastusin sa kalusugan.


Bagama’t inamin ng Presidente ng Amerika na nananatiling mataas ang presyo ng bilihin, iginiit ni Trump na “poised” ang ekonomiya sa pag-angat sa susunod na taon dahil sa kanyang mga patakaran sa buwis, taripa at planong pagbabago sa pamunuan ng US Federal Reserve.

Samantala, binatikos naman ng mga Democrat ang ginawang talumpati ni Trump, iginiit na kulang ito sa konkretong solusyon sa problema ng affordability, lalo na habang papalapit ang midterm elections sa susunod na taon.

---

Dadalo ang mga Punong Ministro ng Cambodia at Thailand sa ASEAN Foreign Ministers special meeting sa Disyembre 22 sa Kuala Lumpur, Malaysia.

Ito ay para simulan ang pag-uusap para mapigilang tumindi pa ang labanan sa border ng dalawang bansa.

Ayon kay Malaysian Prime Minister Anwar Ibrahim, inisyal na itinakda ang naturang pulong noong Disyembre 16 subalit ipinagpaliban.

Aniya, layunin ng pulong na kumbinsihin ang Thailand at Cambodiaa na itigil na lumala pa ang tensiyon sa disputed borders.


Ang naturang desisyon aniya na mag-convene ang ASEAN ng isang special meeting ay kasunod ng pakikipag-usap nila kay US President Donald Trump.

Umaapela rin aniya sila sa dalawang bansa na agad itigil ang opensiba laban sa isa’t isa at kung posible ay magkaroon ng agarang ceasefire o tigil-putukan.


----

Inaprubahan ng administrasyon ni US President Donald Trump ang pagbebenta ng $11 billion halaga ng mga armas para sa Taiwan.

Sa isang pahayag nitong Huwebes, Disyembre 18, kinumpirma ng Taiwan na ito ang ikalawang batch ng weapons na ibebenta ng US mula nang bumalik sa pwesto si Trump.

Base sa Taiwan foreign ministry, kabilang sa package ang HIMARS rocket systems, howitzers, anti-tank missiles, drones at ilang pang mga parte para sa ibang mga equipment.

Kailangan pang aprubahan ng US Congress ang naturang deal, subalit malabong ito ay tanggihan dahil sa cross-party consensus sa depensa ng Taiwan.


Ayon sa Taiwan defense ministry, inaasahang opisyal na magiging epektibo ang naturang weapons deal sa loob ng isang buwan.