Hindi pinayagan ng Israel na makapasok sa West Bank ang anim na miyembro na Parliament ng Canada kasama ang 24 iba pang delegasyon.
Ang nasabing grupo ay nagtangkang tumawid sa border mula sa bansang Jordan.
Bahagi ng nasabing biyahe ng mga mambabatas ang pagtungo sa Israel at West Bank na ito ay inisponsoran ng non-profit organization na The Canadian-Muslim Vote (TCMV).
Paliwanag ng Israel Ambassador to Canada na kaya sila tinanggihan na makapasok ay dahil ang TCMV ay iniuugnay sa Islamic Relief Worldwide.
Mariing itinanggi ng TCMV ang alegasyon na ito ng Israel.
-----
Kinondina ng gobyerno ng Venezuela ang naging kautusan ni US President Donald Trump na pagharang sa lahat ng mga sanctioned oil tankers na pumapasok at lumalabas sa Venezuela.
Ang nasabing hakbang ay matapos na ituring ni Trump ang gobyerno ni Venezuelan President Nicolás Maduro bilang foreign terrorist organisation (FTO) na sangkot sa drug smuggling at human trafficking.
Bukod pa dito ay makailang ulit na nagsagawa ang US ng airstrike sa bangka ng Venezuela na naglalaman umano ng iligal na droga.
Magugunitang noong nakaraang linggo ay mayroong mahigit 30 sa 80 mga barko na nasa karagatan ng Venezuela ang pinatawan ng sanctions ng US.
--------
Kinokondina ng Hamas ang patuloy na paglabag ng Israel sa ceasefire deal.
Ayon kay Hamas leader Ghazi Hamas na mayroong 813 na ceasefire violations ang naisagawa ng Israel.
Mula Oktubre 10 hanggang Disyembre 12 ay nagtala ng 738 na ulit na lumabag ang Israel.
Aabot sa 205 na pagkakataon na namaril ang Israel sa mga sibilyan at nagsagawa rin ang Israel ng 37 na raid sa mga kabahayan.
Naitala rin ng Palestinian Health Ministry ang pagkasawi ng halos 400 na mga Palestino dahil sa pag-atake ng Israel mula pa noong Oktubre 11 ang unang araw kung saan ipinatupad ang ceasefire na ikinasugat din ng 1,075 na katao din.
----
Nagmatigas si Russian President Vladimir Putin na hindi ito makikipagkasundo sa Ukraine kahit na anong pressure ang gawin ng US.
Sinabi nito na kapag hindi tumugon ang Ukraine sa hirit nila na ibigay ang teritoryo nito gaya ng nasa kasunduan ng US sa ceasefire ay gagawa pa rin ito ng mabigat na hakbang.
Handa umano nito pagalawin ang kaniyang military makuha lamang ang kaniyang ninanais.
Binatikos din nito ang pangingialam ng ilang mga bansa sa Europa kaya tumatagal na maipatupad ang ceasefire.
Ang kuwestiyon ng teritoryo ganun din sa garantiya sa seguridad sa Ukraine ay mahirap na resolbahin sa peace talks.
Nagmatigas kasi ang Ukraine na hindi nito ibibigay ang Donbas region na inaangkin ng Russia.
Magugunitang makailang ulit ng nagsagawa ng pulong ang US at Ukraine maging sa European Union para tuluyang maipasa ang ceasefire deal subalit wala pa ring mga kasunduan.