Skip to content

December 18 - 7 am NEWS

December 18 - 7 am NEWS
CHESTER PANGAN
Dec 18, 2025 | 9:18 AM

Nananatiling mataas ang bilang ng mga naninigarilyo sa mga bansang bawal ang vape at iba pang alternatibo, ayon sa mga eksperto.

Ayon sa mga eksperto sa harm reduction, may direktang koneksyon ang pagpapatupad ng ban o pagbabawal sa paggamit ng vape at iba pang alternatibo sa patuloy na pananatili ng mataas na bilang ng mga naninigarilyo sa maraming bansa.

Batay sa ulat ng Global State of Tobacco Harm Reduction (GSTHR), na sinusuportahan ng Global Action to End Smoking, tinatayang umaabot sa 8 milyong indibidwal ang namamatay taon-taon dahil sa sakit na may kaugnayan sa tabako, kung saan marami rito ay nagmumula sa low and middle-income countries (LMICs) na may restriksiyon sa paggamit ng vape.

Lumabas sa datos ng World Health Organization (WHO) na halos hindi nagbago ang bilang ng gumagamit ng tabako sa buong mundo, at nanatili ito sa 1.25 bilyon noong 2022. Nangyari ito halos dalawang dekada matapos ipatupad ang Framework Convention on Tobacco Control (FCTC) noong 2005.

Sa mga LMICs—kung saan naninirahan ang apat sa limang naninigarilyo sa mundo at kung saan karaniwang nagaganap ang pinakamaraming pagkamatay na may kaugnayan sa tabako—hindi bumababa nang malaki ang bilang ng gumagamit ng tabako.

Ayon pa rin sa GSTHR report, sa mga bansang tulad ng Indonesia, China, Egypt at Jordan, kung saan limitado ang mga smoke-free alternatives, nananatiling lampas 45 porsiyento ang male smoking rates.

Itinuturo rin ng mga tagapagtaguyod ng harm reduction ang pagkabigo ng pagbabawal sa mga lugar tulad ng Mexico, India at Singapore. Ayon kay Kurt Yeo, isang international harm reduction advocate at co-founder ng VSML (Vaping Saved My Life), ang kawalan ng cessation support at ang talamak na bilihan ng iligal na sigarilyo ay nagpapahirap sa pagtulong sa mga tao na tumigil sa paninigarilyo sa mga bansang tulad ng sa Africa.

Binanggit ni Dr. Rohan Andrade Sequeira, isang consultant cardio-endocrine physician, ang problema ng 250 milyong gumagamit ng tabako sa India, lalo na't ang global success rate ng nicotine replacement therapy (NRT) ay nasa 7 porsiyento lamang.

Walang daan palabas para sa mga pasyenteng ito na dumaranas ng mga behavioral patterns sa paggamit ng tabako o nicotine, sabi ni Sequeira.

Sa kabilang banda, ang mga bansang nagpapahintulot ng alternatibo ay nakaranas ng malaking pagbawas sa bilang ng naninigarilyo. Sinasabi ng GSTHR report na ang mga bansang nag-aampon at sumusuporta sa smoke-free alternatives ay nakakakita ng benepisyo sa pagbaba ng antas ng paninigarilyo.

Natuklasan ng mga mananaliksik sa University of Queensland na ang antas ng paninigarilyo ay bumaba nang dalawang beses nang mas mabilis sa New Zealand kumpara sa Australia, na nagpapahiwatig na ang mas pabor na regulasyon sa vaping ay maaaring magpabuti sa kalusugan ng publiko.

May mahihigpit na batas ang Australia sa nicotine vapes, na ginagawa itong legal lamang kung may reseta, habang pinapayagan naman ng New Zealand ang pagbebenta nito sa mga matatanda, na may regulasyon lamang sa flavors at marketing.