Skip to content

December 18 - 6 am NEWS

December 18 - 6 am NEWS
CHESTER PANGAN
Dec 18, 2025 | 8:07 AM

Itinuturing ng US na naging mabunga ang ginawang dalawang araw na pakikipagpulong sa Ukraine para isulong ang ceasefire deal.

Isinagawa ang pulong sa Germany, kung saan pinangunahan ni Ukrainian President Volodymyr Zelensky kasama ang chief negotiator na si Rustem Umerov habang ang US ay kinatawan ni Steve Witkof ang special envoy ni US President Donald Trump at Jared Kushner ang manugang ng US President.

Kasamar rin na dumalo si German Chancellor Friedrich Merz para plantsahin ang plano.

Ayon kay Zelensky, na bagamat hindi ito perpekto ang plano ay maisasaayos naman ito.


Dagdag pa nito na nais ng US na magkaroon ng mabilis na pagtatapos ng giyera sa Russia subalit nais nila ng de kalidad na ceasefire.

Kasama sa bagong kasunduan ang pagpondo sa post-war recovery ng Ukraine at ang pagtitiiyak ng seguridad.

---

Nagkaisa sa ika-80th United Nations General Assembly (UNGA) sa New York ang world leaders para sa makasaysayang deklarasyon laban sa mga sakit na hindi nakakahawa at mga hamon sa mental health.

Target ng kasunduan na bawasan ang bilang ng gumagamit ng tabako, at mas maraming tao ang magkaroon ng control sa hypertension, at mas palawakin ang access sa mental health care bago sumapit ang taong 2030.

Ayon sa World Health Organization, mahigit 18 milyong tao ang namamatay kada taon dahil sa mga dahilang ito, habang higit sa isang bilyon ang apektado ng mga kondisyon sa mental health.

Ang deklarasyon ay inaasahang magbubukas ng bagong yugto sa pandaigdigang laban para sa mas malusog at mas makatarungang kinabukasan.

----

Ipinag-utos ni US President Donald Trump ang ganap at kumpletong pagharang sa lahat ng oil tanker na pinatawan ng sanction na papasok at lalabas mula sa Venezuela.

Sa isang post, sinabi ni Trump na iniuri na ang gobyerno ni Venezuelan leader Nicolas Maduro bilang foreign terrorist organization at inakusan ng pagnanakaw ng US assets gayundin ng “Terrorism, Drug Smuggling, at Human Trafficking.”

Ginawa ni Trump ang pahayag isang linggo matapos kumpiskahin ng US ang oil tanker mula sa karagatan ng Venezuela.

Sa ngayon, wala pang tugon ang Venezuela sa panibagong mga pahayag ng US President.


Samantala, sinabi rin ni Trump na napapaligiran ang Venezuela ng pinakamalaking ‘Armada’ sa kasaysayan ng South America.

Matatandaan, makailang ulit nang inakusahan ni Trump ang Venezuela ng drug smuggling at simula noong Setyembre, umabot na sa 90 katao ang napatay ng US military sa kanilang pag-atake sa mga bangka na nagdadala umano ng fentanyl at iba pang mga iligal na droga sa US, subalit itinanggi ito ng panig ng Venezuela.