Umalma ang ilang mambabatas sa hiling na travel clearance ni Davao Rep. Paolo Duterte na bibiyahe sa 17 bansa sa loob ng dalawang buwan. Ayon kay House Assistant Majority Leader at Lanao del Sur 1st District Rep. Zia Alonto Adiong hindi pangkaraniwan ang hiling na travel clearance Duterte para bumisita sa 17 bansa sa loob ng higit dalawang buwan. Paliwanag ni Adiong, sa kasagsagan pa ito ng imbestigasyon sa flood control projects.
Giit ni Adiong na kanilang napag usapan ang pangamba ng publiko na posibleng paraan ito ng ilan para umiwas sa imbestigasyon kaugnay sa flood control anomaly. Sa ngayon wala pang desisyon ang liderato ng Kamara sa hiling na travel clearance ni Duterte.
***
Tiniyak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na nasa maayos na kalagayan ang kanyang mental well-being sa kabila ng bigat ng tungkuling kaakibat ng pagkapangulo.
Ayon sa Punong Ehekutibo nakatulong ang matagal na pag-obserba niya sa kaniyang ama niyang si dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. upang maunawaan ang sakripisyong kaakibat ng posisyon.
Inihayag ng Pangulo na mahalaga ang pagpapahinga, kahit ilang oras lamang, upang manatiling malinaw at epektibo ang pag-iisip.
Karaniwan umano niyang ginagawa ang pag-eehersisyo bilang paraan ng stress relief. binunyag din ng Pangulo na hindi siya natataranta kapag may malaking problemang kinakaharap.
**
Lumabas sa audit report ng Commission on Audit (COA) na siksikan ang halos 70 porsyento ng mga kulungan sa Pilipinas.
Nagreresulta ito sa hindi magandang kondisyon ng pamumuhay ng persons deprived of liberty (PDLs).
Base sa 2024 audit report ng COA sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), nasa 336 mula sa 484 jail facilities sa buong bansa ang congested, na may rates na pumapalo mula 1 hanggang 2,141 %, lagpas sa standrads na itinakda ng BJMP at UN Standards Minimum Rules for the Treatment of Prisoners.
Batay sa report, ang pinaka-congested na piitan ay sa Biñan City Jail – Male Dormitory (2,141 percent), Muntinlupa City Jail – Male Dormitory (2,029 percent), at sa Dasmariñas City Jail – Female Dormitory (1,749 percent).
Nasa mahigit 113,000 bilanggo ang nakakulong sa mga piitan, kung saan hindi akma ang actual cell area sa itinakdang standard.