Skip to content

August 6 - 7 am NEWS

August 6 - 7 am NEWS
CHESTER PANGAN
Aug 06, 2026 | 10:13 AM

 Naniniwala ang Malacañang na ang kumakalat na balitang naaresto na si Senador Ronald “Bato” dela Rosa ay isang “diversionary tactic” upang ilihis ang atensyon ng publiko mula sa impeachment trial ni Vice Pres. Sara Duterte.

Ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro, hinikayat niya ang publiko na huwag basta maniwala sa mga usap-usapan at suriin ang pinagmumulan at motibo ng mga nagpapakalat ng naturang balita. Pinuri rin ni Castro ang mainstream media na aniya’y hindi bias at nagsisiyasat muna bago maglabas ng ulat.

Mapapansin umano na walang laman at konteksto ang mga pahayag nina Atty. Jimmy Bondoc at dating presidential spokesperson Harry Roque hinggil kay dela Rosa.

“Timing ang ginagawa nila… para matabunan ang mga naisiwalat ng COA patungkol sa mga walang resibo na paggasta ng milyun-milyong pisong confidential funds ni VP Sara sa OVP at DepEd,” ani Castro.

Dagdag pa niya, malinaw ang motibo sa ginagawang diversio­nary tactic ng mga kaal­yado ng Bise Presidente.

---

Sa ika-13 araw ng impeachment trial, isiniwalat na nagsagawa ang Office of the Vice President (OVP) ni VP Sara Duterte ng 111 disbursement sa loob lamang ng isang araw na umabot sa P17 milyon mula sa confidential funds.

Ayon kay Senator-Judge Francis Pangilinan, lahat ng disbursement ay may petsang Disyembre 23, 2022. “Binilang namin, 111, isang araw totaling 17 million. Pagka ganyan ba, is that—would you consider that usual?” tanong ni Pangilinan kay dating COA auditor Ro­derick Wamil.

Sa una, hindi nakumpirma ni Wamil ang bilang. Nang tanungin kung pangkaraniwan ang naturang disbursement, sinabi niyang walang partikular na probisyon sa Joint Circular 2015 tungkol dito, ngunit tinawag niya itong “unusual.”

Bilang bahagi ng Intelligence and Confidential Funds Audit Office ng COA, in-audit ni Wamil ang P500-M confidential funds ng OVP at P112.­5-M para sa DepEd noong kalihim pa si Duterte.

Batay sa liquidation records, P125-M ng confidential funds ng OVP ang na-disburse mula Disyembre 21–31, 2022, habang kaparehong halaga ang inilabas sa unang tatlong quarter ng 2023.

Napansin din ni Pa­ngilinan na lahat ng acknowledgment receipts na isinumite ng OVP ay buo ang numero - P250,000 o P500,000 - at walang butal o sentimo.