Skip to content

August 6 - 6 am NEWS

August 6 - 6 am NEWS
CHESTER PANGAN
Aug 06, 2026 | 7:49 AM

Kinuwestiyon ni Senator-Judge Robin Padilla kung may nalalaman sa terorismo at security threat ang state auditor na si Roderick Wamil, na isang CPA-lawyer.

Sa muling pagsalang ni Wamil sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte nitong Miyerkoles, tinanong siya ni Padilla kung nadestino na ang auditor sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao, Bicol region, o kaya ay sa Mindanao.

Tinanong pa ni Padilla si Wamil kung pamilyar ito sa mga armadong grupong ISIS, Abu Sayyaf at New People’s Army na sinagot naman ng testigo na nababasa lang niya ito sa balita.

“Alam niyo po ba kung gaano na kagrabe ang terrorism sa bansa?” tanong ni Padilla na sinagot ni Wamil na wala siyang “threshold” para malaman ito.

Pinaliwanag ni Padilla na kaya niya tinatanong si Wamil ay dahil ito ang nakatoka sa pagsiyasat ng confidential fund ng Bise Presidente, pero itinuwid ito ng auditor sa pagsasabing “Hindi po siya investigation, evaluation siya.”

---

Binasura ni Senador Panfilo “Ping” Lacson ang pahayag ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano na kaya siya iniimbestigahan sa umano’y maanomalyang proyekto sa Taguig City ay dahil kakampi niya ang mga ahensiya ng gobyerno.

Nanindigan si Lacson na matagal na niyang adbokasya na ilantad ang katiwalian at panagutin ang mga opisyal ng gobyerno at kasama na rito ang mga kababalaghan sa paggamit ng flood control fund sa Taguig City na balwarte ni Cayetano.

Tinukoy rin ni Lacson ang ulat ng isang pahayagan na nagsabing nais ni Cayetano na siya ay imbestigahan dahil sa umano’y ginagamit niya ang kanyang posisyon upang puntiryahin ang kanyang mga kritiko.

Bilang tugon, nag-post si Lacson sa X ng: “‘Ca¬yetano said Lacson should be investigated for using his position to target his critics.’ – Philippine Star… Translation: Lacson should be investigated for targeting corrupt public officials.”

---

May dagdag na ginhawa ang mga tsuper ng jeepney at UV Express matapos itaas ng gobyerno sa P12 kada litro ang fuel discount na matatanggap nila simula Agosto 15, ayon sa utos ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Mula sa dating P10 kada litro, magiging P12 na ang diskwento kaya maaari nang umabot sa P1,800 kada linggo ang matitipid ng mga benepisyaryong tsuper. Mahigit 93,000 driver na ang nakinabang sa programa mula nang ilunsad ito noong Abril.

Napagkasunduan ang dagdag na diskwento sa pulong na pinangunahan ni Executive Secretary Ralph Recto sa Malacañang. Kasabay nito, inatasan niya ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) na tiyaking makararating ang ayuda sa ilalim ng UPLIFT program sa mga magsasaka, mangingisda, tsuper, construction workers at iba pang manggagawang mababa ang kita.