Skip to content

August 5 - 8 am NEWS

August 5 - 8 am NEWS
CHESTER PANGAN
Aug 05, 2026 | 10:02 AM

Target ng Estados Unidos na maselyuhan nitong Martes o Miyerkules, local time, ang kasunduan sa Iran para muling buksan ang Strait of Hormuz.

Inihayag ito ni U.S. Treasury Secretary Scott Bessent para payagan ang mga commercial ship na muling malayang makapaglayag.

Ayon sa US top official, kasalukuyang nakikipag-negosasyon na sila sa Iranians ukol dito at may tiyansa aniya na magkaroon na ng kasunduan para buksan ang lagusan Martes o Miyerkules at umusad na sa mas normalisadong posisyon sa naturang sigalot.

Dagdag ng opisyal na anumang kasunduan ay magpapanumbalik sa “freedom of movement” sa pangunahing shipping lane, na magbibigay-linaw naman na hindi papayagan ang Iran na magpataw ng tolls o fees sa mga dumaraang barko sa lugar.

Nakitaan naman ng positibong epekto ang mga pahayag ng Treasury chief kung saan bumaba ang presyo ng krudo sa below $77 kada bariles kasabay ng pag-asa ng mga trader na muling mabuksan ang ruta sa lalong madaling panahon.

Tinataya naman ni Sec. Bessent na maaaring bumagsak pa ang mga presyo sa oras na tuluyan nang gumalaw ang daan-daang barko na na-tengga ng ilang buwan sa Persian Gulf dahil sa giyera sa Gitnang Silangan.

Samantala, makailang ulit naman nang itinanggi ng panig ng Iran ang pagtalakay ng kasunduan kasama ang U.S. kaugnay ng Strait of Hormuz at nilinaw na sa karatig bansang Oman sila nakikipag-negosasyon.

“To avoid any misunderstanding, it is important to clarify what the current negotiations are about and who they are with. We are not negotiating with the United States at this time,” paglilinaw ni Iranian Foreign Ministry spokesman Esmail Baghaei.

Ayon sa Iranian official, nakatutok ang negosasyon kasama ang Oman sa pagbuo ng isang kasunduan sa ruta na sisiguro sa ligtas na pagdaan ng mga barko sa Strait of Hormuz.

Iginiit din niya na kahit magkaroon ng kasunduan, pansamantala lamang ito maliban na lamang kung ititigil umano ng Amerika ang kanilang agresyon.

---

Lumalala ang pagkalat ng Bundibugyo virus disease (BVD), isang uri ng Ebola, sa Democratic Republic of the Congo.

Mula sa Mongbwalu health zone sa Ituri Province, kumalat na ito sa limang probinsya at ngayon ay nakakaapekto na sa 49 health zones.

Umabot na sa 3605 kumpirmadong kaso at 1587 pagkamatay hanggang 30 Hulyo 2026, na may case fatality ratio na 44%.

Sa pinakahuling linggo ng ulat, naitala ang pinakamataas na lingguhang bilang ng kaso (567) at pagkamatay (296), na nagpapakita ng mabilis na pagkalat ng sakit.

Pinapalala ng kaguluhan, paglikas ng mga tao, at paggalaw sa hangganan ang sitwasyon, na nagpapahirap sa pagtugon at nagpapataas ng panganib ng mas malawak na pagkalat.

Patuloy na nagsasagawa ng hakbang ang pamahalaan ng Congo kasama ang WHO at mga katuwang, ngunit kinakailangan pa ng mas masinsinang pagtugon upang maagapan ang krisis.

Samantala, idineklara ng Ministry of Health ng Uganda ang pagtatapos ng BVD outbreak sa kanilang bansa noong 28 Hulyo matapos ang 42 araw na walang bagong kumpirmadong lokal na kaso.

Gayunpaman, nananatiling nasa panganib ang Uganda sa muling pagpasok ng sakit dahil sa patuloy na transmission sa kalapit na Congo.

Muling binigyang-diin ng WHO ang kahalagahan ng masusing pagbabantay, paghahanda, at pagpapatupad ng mga hakbang sa pagkontrol, lalo na sa harap ng patuloy na paggalaw ng populasyon at panganib ng cross-border transmission.