Skip to content

August 5 - 7 am NEWS

August 5 - 7 am NEWS
CHESTER PANGAN
Aug 05, 2026 | 8:56 AM

 Tinawag ni House prosecution panel Atty. Lorna Kapunan, pribadong tagausig ng House prosecution panel, na isang “scam” o ”panlilinlang sa taumbayan” ang umano’y maling paggamit sa P612 milyon na confidential funds ni Vice President Sara Duterte.

Ginawa ni Kapunan ang pahayag sa pagdinig sa Senado, habang nagpapatuloy ang testimonya ni Commission on Audit (COA) auditor Roderick Wamil sa ka-12 araw ng impeachment trial.

Sakop ng pagdinig ang P500 milyong confidential funds na inilaan sa Office of the Vice President (OVP) at ang P112.5 milyon na natanggap ng Department of Education (DepEd) noong si Duterte ay sabay na nagsilbing  Kalihim ng Edukasyon.

“Ang ini-scam, eh taong-bayan. Ang worth ng scam na ‘yan ay P612 million,” sabi ni Kapunan.

Inihalintulad niya ang umano’y maling paggamit ng pondo sa isang anak na humingi ng pera sa magulang para bumili ng libro ngunit ginamit ito sa ibang bagay.

“Pag humingi ka sa nanay mo, ‘Mommy, pe­ngeng P5,000, bibili ako ng libro.’ Hindi mo ginamit para sa libro. Ginamit mo, bibili ka ng makeup o nag-date ka. Anong tawag doon? In-scam mo nanay mo,” paliwanag niya.

Ayon kay Kapunan, kung paulit-ulit na ginaga­mit ang pondo sa layu­ning iba sa idineklara, maitutu­ring itong panlilinlang.

Pumalag naman ang depensa sa pangunguna ni Atty Michael Poa, na dapat tanggalin o i-strike out ang pahayag na “scam” ni Kapunan na pinagbigyan naman ni presiding officer Senator-Judge Francis Escudero.

Binigyang-diin ni Kapunan na ang panguna­hing isyu ay hindi ang mga alyas o pangalang nakasaad sa acknowledgment receipts kundi kung maayos bang naipaliwanag at napatunayan kung saan ginamit ang pondo.

“Hindi naman tayo nag-e-emphasize ng pangalan. Ang pino-point out natin ‘yung amount at kung saan ginamit. Walang resibo,” saad ng abogada.

Kinuwestiyon din niya  ang mga gastusing iniulat para sa gamot, mga suplay at safe houses, at sinabi na dapat may ebidensiyang nagpapatunay na talagang doon napunta ang pondo.

Sa kanyang testimonya, sinabi ni Wamil na nabigong magsumite ang OVP at DepEd ng mga kinakailangang dokumento bilang suporta sa ilang confidential fund disbursements para sa unang dalawang quarter ng 2023.

Tinukoy rin niya ang mga gastusin para sa medical at food assistance, incentives at travel-related expenses na, ayon sa kanya, ay hindi kabilang sa mga pinahihintulutang paggamit ng confidential funds sa ilalim ng Joint Circular No. 2015-01.

Ayon kay Wamil, wala ring dokumentong nagpapatunay na ang mga reward payment sa mga impormante ay nagresulta sa matagumpay na information-gathering o surveillance operations.

Nang tanungin tungkol sa paggamit ng mga alyas sa confidential at intelligence fund transactions, sinabi ni Kapunan na walang batas o patakaran na tahasang nagpapahintulot o nagbabawal dito. “There is no basis to use it or no basis not to use it,” aniya.

Gayunman, iginiit niyang higit na mahalaga­ ang tanong kung tunay bang napunta ang pondo sa mga layuning pinaglaanan nito.

---

Isiniwalat ng Commission on Audit (COA) na nagsagawa umano ng 115 surveillance operations ang Department of Education (DepEd) sa panahon ng panunungkulan ni Vice President Sara Duterte bilang Kalihim ng ahensiya, ngunit walang naisu­miteng listahan ng mga lugar na tinukoy.

Sa pagpapatuloy ng ika-12 araw ng impeachment trial, sinabi ni COA Auditor Roderick Wamil na nakasaad sa accomplishment report ng DepEd mula Pebrero 20 hanggang Marso 30, 2023 ang paggamit ng confidential fund, kabilang sa mga exhibits na pinagkasunduan ng prosecution at defense panel.

Batay sa ulat, P37.5 milyon ang inilaan para sa counterinsurgency, pagpigil sa pang-aabuso sa recruitment ng New People’s Army sa mga eskuwelahan, anti-illegal activities operations, at anti-extremism at terrorism programs.

Sa counterinsurgency, nakasaad ang P2.47 milyon para sa pagbili ng impormasyon, P2 milyon sa reward payments, P2.805 milyon sa supplies, at P2.1 milyon sa insentibo sa biyahe kaugnay ng confidential operations — kabuuang P9.375 milyon.

Gayunman, bagama’t iniulat na natapos ang 115 surveillance operations, walang nakatalang partikular na lugar sa report na isinumite sa COA. Bukod pa rito, P10 milyon ang inilaan para sa pagpigil sa illegal activities sa mga eskuwelahan sa ilalim ng anti-extremism at terrorism campaign.

Idinagdag pa ni Wamil na kabilang sa reward payments ang P2 milyon para sa counterinsurgency, P2.13 milyon para sa pagsawata ng pang-aabuso, P1.5 milyon para sa anti-illegal operations, at P1.8 milyon para sa anti-extremism at terrorism.