Skip to content

August 5 - 6 am NEWS

August 5 - 6 am NEWS
CHESTER PANGAN
Aug 05, 2026 | 8:16 AM

Ibinunyag ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong na umaabot sa 27% ang kickback ng mga mayor sa mga kasunduan sa pagtatapon ng basura sa kanilang nasasakupan.

Ginawa ni Magalong ang pahayag matapos ang alegasyon ni Ombudsman Jesus Crispin “Boying” Remulla noong Sabado na lahat ng mayor, maliban sa Pasig City, ang pinakamalaking negosyo ang basura.

“Totoo ‘yan. Alam mo nabalitaan ko na maraming mayors 27% ang kinukuha nila, 27%,” saad ni Magalong sa programang “The Spokes” sa Bilyonaryo News Channel nitong Martes.

Aniya, minsan na siyang inalok ng kickback para sa deal sa basura pero agad niya itong ibinasura.

“When, my first year as mayor, wala pa siguro akong mga three months, pinuntahan agad ako ng front man sa Clark Air Base. Sabi niya: ‘Mayor kung dito ka magtatapon, we’re offering you P120, nagko-compute sa harapan ko. P120 per truck per ton, tipping fee,” paglalahad ng alkalde.

Halos 200 tonelada kada araw umano ang tinatapong basura ng Baguio City, at dito pa lang ay aabot na sa P2.4 milyon ang kickback kung ito ay kanyang tinanggap.

“That’s just for tipping. So for hauling, almost the same din. ‘Yun ang sabi niya sa akin. Sabi ko: ‘Sir pasensiya na po kayo, bawal po ‘yan sa Baguio.’ Kaya Baguio is well-known as one of the cities na hindi talaga tumatanggap ang mayor diyan pagdating sa basura,” dagdag pa ng alkalde.

---

Wala pang kasiguruhan kung dodoblehin sa P20 ang fuel subsidy para sa mga public utility vehicle (PUV) matapos irekomenda ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa Malacañang ang isang buwang dagdag-ayuda sa mga driver at operator.

Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, nakarating na sa Palasyo ang rekomendasyon at kasalukuyan itong tinatalakay ng Office of the Executive Secretary (OES), Department of Transportation (DOTr) at mga economic manager ng gobyerno bago maglabas ng pinal na pasya.

“Sa ngayon ay napag-usapan po. Nakausap natin mismo si Sec. Banoy (Lopez). Mayroon siyang pakikipagpulong sa Office of the Executive Secretary para pag-usapan ang mga detalye patungkol dito,” sabi ni Castro.

Habang wala pang desisyon sa panukalang P20 subsidy, sinabi ni Castro na tuloy-tuloy pa rin ang umiiral na P10 kada litrong fuel discount na pinalawig hanggang katapusan ng Agosto upang mabawasan ang gastusin ng mga PUV driver na apektado ng mataas na presyo ng langis. (Prince Golez/Aileen Taliping)

---

Nagbabala ang World Bank na halos 2 milyong Pilipino ang maaaring malugmok sa kahirapan kung wala silang matanggap na ayuda mula sa pamahalaan para ibsan ang epekto ng pagsirit ng inflation dahil sa pagmahal ng enerhiya at mga produktong petrolyo.

Iginiit ng bangko na mas dapat tutukan ang pagbibigay ng cash aid sa mahihirap at near-poor kaysa magpatupad ng magastos at malawakang fuel subsidy.

Sinabi ni World Bank Senior Country Economist Jaffar Al-Rikabi na kailangang punan ng gobyerno ang mga kakulangan sa ayuda habang binabantayan ang limitadong pondo ng bayan.

“In fact, we estimate that without intervention, almost 2 million people are vulnerable from the shock of falling into poverty,” ani Al-Rikabi.

Kabilang sa mga programang binanggit niya ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program, Uplift intervention para sa near-poor families, at limitadong ayuda sa mga sektor na pinakamabigat na tinamaan. (Eileen Mencias)