Hinamon ni Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. ang mga opisyal ng gobyerno na hayagang kumakampi sa posisyon ng China sa West Philippine Sea (WPS) na magsipagbitiw na lamang sa kanilang puwesto.
Sa gitna ng impeachment proceedings, binigyang-diin ni Teodoro na kuwestiyonable ang paninindigan ng mga opisyal na tumatangging sumunod sa polisiya ng bansa hinggil sa WPS. Aniya, tungkulin ng lahat ng opisyal na ipagtanggol ang Konstitusyon at batas ng Pilipinas.
“One cannot ask a public official to resign just because of a belief. There must be a violation of a law or a regulation,” paliwanag ni Teodoro, ngunit iginiit niyang ang mga opisyal na hindi kayang ipagtanggol ang pambansang polisiya ay dapat magbitiw.
Sa isang public forum, ipinaalala ng Kalihim na bahagi ng mandato ng mga opisyal ang pagtatanggol sa WPS, na kinikilala sa ilalim ng Baselines Act at Administrative Order No. 29.
Ayon pa kay Teodoro, kung naniniwala ang isang opisyal na mali o ilegal ang posisyon ng pamahalaan, maaari itong kuwestiyunin sa Korte Suprema. Ngunit kung hindi nila susuportahan ang umiiral na polisiya habang nasa serbisyo, mas nararapat silang magbitiw.
“If a public official cannot uphold these, then the duty is clear… If a public official cannot conform to these requisites, then the only option is to resign,” giit ng Kalihim.
---
Pinalagan ni Senate Committee on Labor & Employment Vice Chairperson Sen. Raffy Tulfo ang pag-isyu ng Pasig City Regional Trial Court Branch 152 ng temporary restraining order (TRO) laban sa implementasyon ng P85 daily minimum wage hike sa Metro Manila.
Ang inihain na petisyon ng Readycon Trading and Construction Corporation at R-11 Builders, Inc. sa Pasig RTC ay ang pipigil sa Regional Tripartite Wages and Productivity Board-NCR at National Wages and Productivity Commission na ipatupad ang inaasahang wage increase hanggang August 13.
Ang dagdag na P85 sa arawang minimum na sahod ay hinati sa dalawang yugto. Ang unang P60 ay sinimulan nang ipatupad noong Hulyo 25 at ang P25 ay ipatutupad simula Enero 1, 2027.
Binigyang-diin ni Sen. Raffy na hindi katanggap-tanggap ang naging hakbang na ito ng korte dahil malinaw na nakasaad sa Article 126 ng ating Labor Code na walang hukuman, tribunal o iba pang kinauukulang awtoridad ang puwedeng magpalabas ng preliminary injunction, permanent injunction o TRO laban sa anumang pagdinig, hakbang o proseso ng mga Regional Wage Boards. Kung mayroon mang apela, dapat ay idinaan ito sa tamang proseso at sa kinauukulang ahensiya na National Wages and Productivity Commission (NWPC).
Bagamat may karapatan ang bawat mamamayan na maghain ng petition for declaratory relief sa korte kung sa tingin niya ay agrabyado siya sa ilalim ng batas o isang regulasyon, sinabi ni Idol na ang hakbang na ito ay labag sa Labor Code at isang malaking dagok sa kabuhayan ng mga manggagawang Pilipino.
Maghahain si Sen. Raffy ng panukalang batas para amyendahan ang probisyon sa Article 126 ng Labor Code nang sa gayon ay hindi na magkaroon ng pagkalito sa implementasyon ng batas hinggil sa wage hike.