Mahirap tanggalin ang technical system loss sa bill ng kuryente, ayon sa pag-aaral ng BA Securities, Inc.
Sa isinagawa nilang pag-analisa sa naging direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa Kongreso na trabahuin ang pagtanggal sa system loss, sinabi ng BS Securities na aabutin ng 12 buwan hanggang 18 buwan para magkaroon ng katuparan ang pagtanggal sa system loss.
Gayunman, ang absolute ban umano sa technical loss pass-through ay “operationally unfeasible and legally contentious.”
“A revised regulatory cap or a requirement to absorb non-technical losses only is the probable outcome,” ayon sa kanilang pag-aaral.
Ang technical system loss ay ang nawawalang kuryente dulot ng heat dissipation, conductor resistance, at transformer core loss, habang ang non-technical system loss ay mula naman sa pagnanakaw ng kuryente, meter tampering at administrative error.
Umaabot sa 76.4% ang technical loss, habang 23.6% naman ang non-technical loss.
Ang nakokolektang system loss ng Manila Electric Company ay nire-remit naman sa mga power generator at grid operator.
---
Hindi binabawi ng Malacañang ang nauna nitong pahayag na walang basehan ang mga alegasyon ng tinaguriang “Maleta Boys”, kahit isinama ng Office of the Ombudsman ang ilan sa testimonya ng mga ito sa kaso laban kay dating House Speaker Martin Romualdez.
Iginiit ni Palace Press Officer Claire Castro na nananatili ang paninindigan ng Palasyo, ngunit igagalang nito ang sariling proseso ng Ombudsman sa paghawak ng reklamo.
“On our part, nandoon pa rin po tayo na walang pinagbabasehan ang mga kuwento ng ‘Maleta Boys’. Kung ano po ang nakita ng Office of the Ombudsman, patungkol sa kaso ni dating Speaker Romualdez, hindi po natin iyan panghihimasukan,” ani Castro.
Nauna nang kinuwestiyon ng kampo ni Romualdez ang pagsama ng Ombudsman sa ilang testimonya ng “Maleta Boys”, dahil sinabi na rin umano noon ng Department of Justice na hindi mapagkakatiwalaan ang mga ito at nahaharap pa sa kasong perjury. (Prince Golez)