Inalerto ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang Department of Agriculture (DA) ukol sa malaking banta sa supply at presyo ng pagkain sa bansa dulot ng matinding tagtuyot mula sa El Niño. Dagdag-pabigat pa sa problemang ito ang patuloy na kaguluhan sa pandaigdigang merkado at presyuhan ng bigas.
Ang naturang babala ng BSP ay kasabay ng kanilang ginawang pagtataas ng key interest rate nang 25 basis points bilang paunang hakbang laban sa patuloy na inflation. Binigyang-diin ng central bank na hindi nila itinatanggi ang posibilidad ng mga susunod pang monetary action kung magpapatuloy ang pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin.
Lalo pang nagiging kritikal ang sitwasyon sa bansa dahil sa paghina ng agrikultura, kung saan bumaba nang 4.85 percent ang ani ng palay noong 2024. Kasabay nito, tumaas din nang 21 percent ang All Rice Price Index noong 2023 nang magpatupad ng export ban sa rice ang India dahil sa banta ng El Niño.
Dahil dito, ang banta ng panibagong tagtuyot ay direktang gigipit sa lokal na supply ng pagkain at magdudulot ng mas matinding krisis sa pandaigdigang merkado at presyuhan ng bigas.
Inatasan ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. ang lahat ng ahensya ng DA na patuloy na ayusin at patatagin ang kanilang mga El Niño response plan.
Gagamitin ng ahensya ang mga pinakabagong datos ukol sa panahon, lagay ng pananim, suplay ng tubig, at galaw ng merkado upang mabawasan ang epekto ng tagtuyot.
Kabilang sa mga hakbang ng DA ang cloud seeding, pagtatayo ng solar irrigation, at paglilipat ng produksyon sa hindi apektadong rehiyon. Magpapakalat din sila ng benhing matibay sa tagtuyot, crop insurance, at direktang tulong-pinansyal para sa mga naapektuhang magsasaka.
---
Pinuna ni Senador Bam Aquino ang Malakanyang kung bakit patuloy umano ang pag-delay sa panukalang batas na layon sanang mabantayan ang pondo ng bayan.
Kasabay ng mga pagbaha sa kalakhang Maynila, kinuwestyon niya ang pagkaantala sapagkat makatutulong daw ito upang maiwasan maulit ang flood control scandal.
Nakakabahala aniya na nawala sa listahan ng prayoridad ng Palasyo ang Citizen Access and Disclosure of Expenditures for National Accountability (CADENA) Act, na kilala rin bilang Blockchain the Budget Bill.
Mula raw sa pangatlo noong 2025, ang naturang panukala ay nasa ika-41 na lamang ngayon na prayoridad ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC).
Kung saan hindi tinanggap ng senador ang paliwanag ng Department of Economy, Planning and Decvelopment na nagpasya ang Malacañang at liderato ng Kongreso na iklian ang listahan at unahin ang mga mahalagang panukalang batas na madaling maipasa sa loob ng 12 buwan.