Umabot na sa kabuoang 1,300 sandbag ang itinambak sa gumuhong bahagi ng Bacolor-Sto. Tomas-Minalin Tail Dike sa Pampanga, matapos magpadala ng 500 kahapon, Agosto 30 at karagdagang 800 ngayong araw.
Isinagawa ang hakbang bilang pansamantalang tugon sa pagkasira ng bahagi ng nasabing dike noong Sabado, Agosto 29, habang inaantay ang magiging aksyon ng mga awtoridad.
Ayon sa mga ulat, lumambot at tuluyang bumagsak ang bahagi ng dike matapos umapaw ang Gugu River bunsod ng tuloy-tuloy na pag-ulan na dala ng Habagat.
Nagdulot ito ng malawakang pagbaha sa ilang barangay sa mga bayan ng Sto. Tomas at Minalin. Dahil sa banta sa kaligtasan, agad na inilikas ng Pampanga Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) at ng mga lokal na pamahalaan ang mga pamilyang naapektuhan.
Layunin ng Local Government Unit (LGU) na maagapan ang tuluyang pagkasira ng dike, maiwasan ang mas malalang pag-apaw ng tubig, at masiguro ang kaligtasan ng mga kalapit na komunidad.
Patuloy naman ang pagbabantay ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) sa kalagayan ng Tail Dike para sa mga susunod na kinakailangang hakbang.
---
Pumalo na sa 1,203 ang kabuuang kaso ng Influenza-Like Illness o ILI sa Maynila mula noong Enero matapos makapagtala ng 33 bagong kaso ngayong buwan ng Agosto.
Inuugnay ng mga awtoridad ang pagtaas ng mga kaso ng mala-trangkasong sakit na may kasamang ubo at sipon sa patuloy na pag-ulan sa bansa.
Sinundan ito ng leptospirosis na nakapagtala ng apat na bagong kaso ngayong Agosto, na nagdala sa kabuuang bilang nito sa 556. Pumangatlo naman ang dengue na may 2,541 kabuuang kaso mula noong Enero.
Samantala, wala namang naitalang panibagong kaso ng Cholera, Typhoid Fever, COVID-19, at Severe Acute Respiratory Infection o SARI sa lungsod batay sa ulat ng pamunuan ng lungsod.
Pinaalalahanan ng DOH ang publiko na maging alerto sa mga sintomas at sundin ang mga simpleng hakbang upang protektahan ang sarili at ang komunidad.
Hinimok din ng ahensya ang sinumang nakararamdam ng sintomas na agad magpakonsulta sa pinakamalapit na ospital upang ito ay agad na maagapan.