Sumadsad sa “historic low” ang palitan ng piso kontra United States (US) dollar at tumawid sa P62 nitong Biyernes, Agosto 28.
Ayon sa datos ng Bankers Association of the Philippines (BAP), nagbukas ang palitan sa P62.05, mas mahina kaysa sa P61.888 na closing noong Huwebes.
Nalaglag pa ito sa P62.27 kontra dolyar bago magsara sa P62.265. Nasa P62 ang pinakamalakas na antas na itinala ng piso nitong Biyernes.
Umabot sa $1.962 bilyon ang mga transaksyon, mas malaki kaysa sa $1.790 bilyon noong Huwebes.
Sabi ni dating Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) deputy governor Diwa Guinigundo, isang babala ang pagbagsak ng piso sa P62.
Bagamat malakas ang dolyar ngayon at maraming geopolitical risks, naiimpluwensiyahan din ng palitan ang inflation at ang humihinang kumpiyansa ng mga negosyante.
“The peso is being pulled down by external dollar strength and geopolitical risks, but domestic inflation pressures are also becoming important as much as the eroding business confidence,” ayon kay Guinigundo.
Dagdag pa niya, tumaas ang presyo ang mga bagay na inaangkat tulad ng petrolyo dahil sa paghina ng piso at palalalain lang nito ang inflation, o ang bilis ng pagmahal ng mga bilihin. Ang hamon ay hindi ipaglaban ang P62 kundi ang pagsiguro ng mahinahon na paghina ng piso para hindi biglaan ang pagdausdos ng halaga nito. (Eileen Mencias)
---
Sinisiyasat na ngayon ng Land Registration Authority (LRA) ang pinagmulan at kasaysayan ng ilang bagong natuklasang land title na sumasaklaw sa hindi bababa sa 38.83 ektarya ng mga ilegal na reclamation area sa bahagi ng Laguna Lake na sakop ng Taguig City, ayon kay Senador Panfilo “Ping” Lacson.
“I requested them to backtrack the history of the issued OCTs (original certificates of title) and other modes of titling, so we will find out how they were manipulated with the end in view of filing criminal charges against those responsible,” sabi ni Lacson.
Batay sa kanyang paunang impormasyon, sinabi ni Lacson na inisyu ang mga OCT sa pamamagitan ng judicial/ordinary land registration habang ang iba naman ay sa pamamagitan ng homestead patents.
Idiniin ni Lacson na maaaring ideklarang void ab initio (walang bisa mula sa simula) ang mga titulong ito kapag sinimulan ng Philippine Reclamation Authority (PRA) ang forfeiture proceedings alinsunod sa batas.
Nitong Miyerkules ng gabi, Agosto 27, sinabi ni Lacson na sinusuri na ng LRA ang materyales galing sa PRA para makita kung may naisyu na titulo ng lupa para sa na-reclaim na bahagi ng Laguna Lake.
Sinabi rin ni Lacson na ilang crate ng mga dokumento mula sa Department of Public Works and Highways (DPWH) na may kaugnayan sa mga maanomalyang proyekto sa Taguig City ang nakatakdang i-turn over sa Office of the Ombudsman.
Ang pinakabagong batch ay karagdagan sa mga documentary evidence na nauna nang isinumite ni Lacson at ng kanyang team sa Ombudsman kaugnay ng kanilang imbestigasyon sa mga maanomalyang infrastructure at reclamation project sa Taguig City.
Nagsasagawa na ang Ombudsman ng fact-finding investigation sa mga proyekto sa Taguig at naglabas na ito ng mga subpoena sa DPWH, PRA, LRA at Taguig Registry of Deeds para sa mga kaugnay na rekord. (Dindo Matining)