Skip to content

August 28 - 6 am NEWS

August 28 - 6 am NEWS
DONNA NATIVIDAD-ARENAS
Aug 28, 2026 | 8:14 AM

Umapela ang pamunuan ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) sa House of Representatives na taasan ang nakalaang pondo ng ahensiya para sa emergency repatriation program sa susunod na taon.
Iginiit ni OWWA Administrator Atty. PY Caunan na sa halip na bawasan ang pondo, mas nararapat na dagdagan pa ito upang mas maraming Overseas Filipino Workers (OFWs) ang matulungan at mabigyan ng sapat na saklolo sa gitna ng mga krisis sa ibang bansa.
Batay sa panukalang 2027 national budget, bumaba sa P900 milyon ang alokasyon para sa emergency repatriation, mas mababa kumpara sa P1.2 bilyong pondo na ibinibigay taun-taon sa nakalipas na tatlong taon.
Paliwanag ni Caunan, hindi sasapat ang naturang halaga lalo’t patuloy ang pag-aagaw-buhay ng sitwasyon sa Gitnang Silangan at sa iba pang rehiyon kung saan may libu-libong Pilipinong nagtatrabaho na maaaring mangailangan ng agarang pagilikas.

---

Pumalo na sa mahigit 450 na pasyente ng leptospirosis ang kasalukuyang nakatatanggap ng gamot at atensyong medikal sa iba’t ibang ospital ng Department of Health (DOH) sa National Capital Region (NCR).
Ang pagdami ng mga nao-ospital ay kasunod ng mga serye ng malawakang pagbaha na naranasan sa Metro Manila nitong mga nakalipas na araw.
Batay sa pinakabagong quick count ng Health Emergency Management Bureau ng DOH, umabot na sa kabuuang 856 ang naitalang kaso ng leptospirosis sa buong bansa mula Enero 4 hanggang Agosto 22 ngayong taon.
Mababa man ito nang 66 porsyento kumpara sa 2,546 na kasong naitala sa kaparehong panahon noong nakaraang taong 2025, patuloy pa ring nag-iingat ang ahensiya sa posibleng pagdami ng mga magkakasakit dahil sa 15-day incubation period ng bacteria.

---

Ibinunyag ni Senate President Sherwin Gatchalian na mayroong seryosong sakit si Senator Loren Legarda.
Kasunod ito sa pagpapalawig ni Legarda ng kaniyang medical leave sa ikaapat na pagkakaton ngayong linggo.
Unang naghain ito ng medical leave mula Agosto 3-5 hanggang pinalawig niya ito ng Agosto 11-12, Agosto 17-19 at Agosto 24-26.
Pinakahuli ay naghain ito ng leave ng mula Setyembre 1 hanggang 2.
Paglilinaw ni Gatchalian na dahil sa naka-leave ang Senador ay hindi naman ito tumatanggap ng kaniyang sahod.
Dagdag pa ng Senate President na alam niya ang medical condition ng kapwa niya Senator.