Nagpaalala ang Philippine Embassy in United States sa mga Pilipino na tiyaking sumusunod sila sa mga umiiral na immigration laws kasunod ng mga pagbabago sa visa at mga immigration policy ng US.
Ayon sa embahada, may mga ulat na sinimulan ng US Department of State ang pagsusuri sa mga B1/B2 business at tourist visa ng ilang dayuhan na kalaunan ay nag-apply ng asylum sa US. Inaasahang isasagawa ang visa revocations nang paunti-unti.
Pinayuhan ang mga Pilipinong may problema o pangamba tungkol sa kanilang immigration status na kumonsulta sa kuwalipikadong US immigration attorney o accredited legal service provider para sa payong naaangkop sa kanilang sitwasyon.
Nilinaw rin ng embahada na ang paghawak sa immigration cases ay nakadepende sa partikular na sitwasyon at sa kaukulang awtoridad ng US.
Samantala, patuloy naman umanong nagbibigay ang Philippine Embassy ng emergency consular assistance at Assistance-to-Nationals (ATN) para sa mga Pilipinong nangangailangan ng tulong. (Angelica Malillin)
---
Pananagutin ng gobyerno ang mga nasa likod ng flood control projects na mapatutunayang may problema, ayon kay Palace Press Officer Claire Castro.
Naungkat ang usapin matapos batikusin ni Vice President Sara Duterte ang administrasyon sa umano’y pagkabigong tugunan ang problema sa baha at kahirapan sa bansa.
Ayon kay Castro, agad inatasan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. si Public Works Secretary Vince Dizon na ayusin ang malalang pagbaha sa Davao City. Nakita umano ni Dizon na may isang proyekto roon na hindi naaayos mula pa noong 2019, at 10 taon nang walang dredging.
Sinabi ni Castro na sisimulan na rin ng Office of the Ombudsman ang pag-iimbestiga sa mga flood control projects sa Davao City.
“Kung mayroon dapat managot dito sa mga proyektong ito, dahil inamin naman ni dating Pangulo Duterte na may ‘ghost’ projects sa panahon niya, dapat din natin malaman,” ani Castro. (Prince Golez)
---
Iniutos ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na agad resolbahin ang pagkaantala sa pagbibigay ng P10,000 cash gift sa mga senior citizen na kuwalipikado sa ilalim ng Expanded Centena-rians Act.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, nakarating na sa Pangulo ang reklamo ng walong senior citizen na hindi pa rin natatanggap ang kanilang cash gift.
“Ito po ay nakarating sa Pangulo. Kailangan talaga maibigay kung ano ang benepisyo na dapat ibigay sa ating mga elderly, lalo na ang mga senior citizen,” ani Castro.
“Makakaasa ang ating mga kababayan na patuloy pong gagampanan ng pamahalaan at ito ay tutugunan agad ng Pangulo at ARTA para maresolba ang isyu na ito,” dagdag pa niya.
Sa ilalim ng Expanded Centenarian Act, makakatanggap ng P10,000 ang senior citizen kapag tumuntong sila ng edad 80, 85, 90 at 95, habang P100,000 naman kapag 100-anyos na. (Prince Golez)