Skip to content

August 26 - 7 am NEWS

August 26 - 7 am NEWS
CHESTER PANGAN
Aug 26, 2026 | 8:48 AM

Itinulak ni Interior Secretary Jonvic Remulla na gawing non-bailable offense ang illegal possession of loose firearms at patawan ito ng hanggang 20 taong pagkakakulong.

Sa isang pahayag nitong Martes, sinabi ni Remulla na kailangan ng mas mabigat na parusa upang masugpo ang ilegal na pagmamay-ari at paggamit ng baril sa bansa kasunod ng kamakailang pamamaril sa loob ng isang paaralan sa Zamboanga City.

“Non-bailable and then 20 years in prison,” ani Remulla nang tanungin sa isang media interview kung anong mga amiyenda ang nais niya sa batas.

Giit ni Remulla, hindi sapat ang kasalukuyang parusa dahil maaaring makapagpiyansa ang mga mahuhuling ilegal na nagmamay-ari ng loose firearms habang dinidinig ang kanilang mga kaso.

Pinag-aaralan na rin aniya ng mga lider ng Kongreso ang mga panukalang amiyenda sa firearms law at posibleng maipasa ang mga ito pagsapit ng Enero. (Angelika Cabral)

---

Kinumpirma ni Department of National Defense (DND) Secretary Gilbert “Gibo” Teodoro na mayroon silang mga pinagsususpetsahang mga halal na opisyal ng gobyerno na sinusuportahan ng China para tumulong sa expansionism ng nasabing bansa sa West Philippine Sea (WPS).

“We have some ground to perhaps suspect it,” pahayag ni Teodoro nang tanungin ni Akbayan Party-list Rep. Dada Kiram Ismula sa budget hearing ng ahensiya nitong Martes sa Kamara de Representantes.

“But credible information in respect to evidence is kind of hard to adduce, particularly as we do not have access to bank deposits,” paliwanag pa ni Teodoro.

Hindi lingid sa kaalaman ng marami na may mga pinagsususpetsahang mga government officials na sumusuporta sa China dahil imbes na kastiguhin ng mga ito ang panghaharas at pananakit ng nasabing bansa sa mga Pilipino sa WPS ay ipinagtatanggol pa ng mga ito.

Dahil dito, naitanong ni Ismula kay Teodoro ang isyung ito at maging ang mga suportang natanggap ng mga elected officials na ito sa China bilang kabayaran sa pagtatanggol sa kanila sa pag-angkin sa teritoryo ng Pilipinas. (Bernard Taguinod)

---

Target ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na makagawa na sa Pilipinas ng sariling electric tricycle at electric jeepney.

Ito ang sinabi ni Marcos matapos niyang inspeksiyunin ang pasilidad ng MD Juan Enterprises Inc. sa Caloocan City nitong Agosto 25 upang alamin ang mga kailangan para makapagsimula ang kompanya sa paggawa ng mga electric vehicle.

“I believe that we will soon be seeing a Filipino electric vehicle tricycle,” sabi ng Pangulo.

Ayon kay Marcos, aalamin kung anong kagamitan pa ang kailangan ng kompanya at tutulungan ito ng Department of Science and Technology (DOST) at national government para maihanda ang planta sa produksiyon ng electric vehicle.

Matagal nang gumagawa ang MD Juan ng mga piyesa at bahagi ng civilian at military jeep. Nagsimula rin ang kompanya sa paggawa ng mga lumang jeep noong panahon ng giyera.

Sinabi ni Marcos na ilalagay ang mga kinakailangang bagong kagamitan sa planta para masimulan ang paggawa ng Filipino-made electric tricycle, na susundan ng electric jeepney. (Prince Golez)