Ipinagpaliban ng Department of Education (DepEd) ang nationwide Simultaneous School Safety Drill for Active Attack Incidents na nakatakda sana ngayong Martes, Agosto 25.
“Ipapagpaliban namin ‘yun. Makakapaghintay naman ‘yun. Nakikinig kami sa mga eksperto, rinerespeto natin ang kanilang pananaw at definitely ii-incorporate namin ‘yung mga comment nila. Wala namang mawawala kung maghihintay tayo ng kaunting panahon,” paliwanag ni DepEd Secretary Sonny Angara sa radio interview nitong Lunes.
Nauna rito, kinalampag ng Philippine Psychiatric Association, at ng Philippine Society for Child and Adolescent Psychiatry ang DepEd na ipatigil ang shooter drill dahil nangangamba silang maaring makapagtanim ng matagalang psychological harm ito sa kabataan pero wala namang ebidensiya na epektibo ito para makapagligtas ng buhay.
Isa rin sa dahilan kaya kinansela ang shooter drill ay dahil umano sa masamang panahon at pagkansela ng face-to-face class sa ilang lugar.
Samantala, iniha¬yag naman ng ahensiya gagamitin din ang dagdag na panahon upang matiyak na naaayon ang aktibidad sa mga rekomendasyon ng mga eksperto sa disaster preparedness, child protection, at psychosocial support.
---
Nanganganib na masuspinde ang 40 planta ng kuryente dahil sa umano’y kawalan ng aksiyon sa gitna ng manipis na suplay ng kuryente sa Visayas, ayon kay Energy Secretary Sharon Garin.
Nauna nang naglabas ang Department of Energy ng 203 show-cause orders laban sa mga power generation companies na hindi nagsumite ng mandatory self-assessment report para mamonitor ang kondisyon at outages ng kanilang mga planta.
Ayon kay Sec. Garin, nakatanggap na ng warning ang mga power generator at inihahanda na ng kagawaran ang rekomendasyon para sa posibleng suspensiyon na ipapadala sa Energy Regulatory Commission (ERC).
Hindi naman pina¬ngalanan ng kalihim ang mga operator na posibleng masuspinde, ngunit kabilang umano sa listahan ang ilang maliliit na diesel power plants.
Matagal nang nakararanas ng problema sa suplay ng kuryente ang Visayas, kung saan madalas itong napapailalim sa yellow alert, at paminsan-minsan ay red alert kapag hindi sapat ang supply para sa demand.