Skip to content

August 25 - 6 am NEWS

August 25 - 6 am NEWS
DONNA NATIVIDAD-ARENAS
Aug 25, 2026 | 7:49 AM

Tututukan ng administrasyong Marcos ang pagprotekta sa 6.5 milyong Pilipinong nakaahon sa kahirapan at pagpapalakas sa middle class sa pamamagitan ng mas maraming trabaho, mas mataas na kita at mas mababang gastusin.
Ayon kay Executive Secretary Ralph Recto, ito ang direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. matapos bumaba ang poverty incidence mula 15.5% noong 2023 sa 9.7% noong 2025. Dahil dito, bumaba rin ang bilang ng mahihirap mula 17.5 milyon tungo sa 11 milyon.
Gayunman, sinabi ni Recto na hindi dapat maging kampante ang pamahalaan dahil maaaring maapektuhan ang presyo ng pagkain at gasolina, trabaho at ekonomiya ng mga krisis sa Middle East at climate disruptions.
Kabilang sa mga hakbang ng gobyerno ang pagpapabilis ng mga infrastructure project na lilikha ng trabaho at magpapababa ng logistics costs, gayundin ang mga panukalang magpapababa sa buwis at gastusin ng mga pamilya.

**
Nagpadala ang Philippine Red Cross (PRC) ng 17 medical at support personnel sa San Lazaro Hospital noong Martes, Agosto 25, upang tumulong sa gitna ng patuloy na pagtaas ng mga kaso ng leptospirosis.
Isinagawa ang naturang deployment matapos humingi ng saklolo ang pamunuan ng ospital nang maitala ang 139 na pasyenteng may leptospirosis noong umaga ng Martes.
Kabilang sa mga ipinadalang tauhan ng PRC ang anim na nurse, anim na student nurse, tatlong administrative support volunteer, at dalawang staff mula sa Medical Corps Volunteers – Nursing Team.
Tungkulin ng nasabing koponan na alalayan ang mga kawani ng ospital sa pagsubaybay sa vital signs, pag-inspeksyon sa intake at output ng mga pasyente, at pag-asikaso sa mga kinakailangang laboratory test.


**
Nakatakdang magtungo sa Singapore si National Bureau of Investigation (NBI) Director Melvin Matibag upang makipagtalakayan sa mga kinatawan ng Meta Platforms Inc., isang American-owned tech company na nagmamay-ari ng kilalang social media platforms tulad ng Facebook, Instagram, at Whatsapp.
Layon ni Matibag na tumbukin ang diskurso patungkol sa panganib na dala ng kawalang-gabay na online activity ng mga menor de edad at ang pagiging bulnerable ng mga ito sa tinatawag na mga online ‘grocmers.’
Kaugnay iyan ng serye ng karahasan sa mga paaralan kabilang ang naganap na pamamaril sa Ateneo de Zamboanga University nito lamang Agosto at sa Tacloban noong Hulyo, na ayon sa NBI ay maaaring bunga umano ng tinatawag na online ‘grooming.’
Muli namang paalala ni Matibag sa mga magulang na bantayan nito ang online exposure ng kanilang mga anak dahil dito umano nagkakaroon ng pagkakataon ang mga online groomer na maagpakalat ng negatibong ideolchiya.