Skip to content

August 24 -7am NEWS

August 24 -7am NEWS
DONNA NATIVIDAD-ARENAS
Aug 24, 2026 | 7:30 AM

Pinayagan ng Sandiganbayan 5th Division si Sen. Jinggoy Estrada na pansamantalang lumabas sa New Quezon City Jail sa Agosto 26 para magpa-X-ray ng kaniyang mga tuhod sa isang pribadong ospital.

Sa resolusyong inilabas nitong Lunes, Agosto 24, sinabi ng korte na maaaring umalis si Estrada sa kulungan bandang alas-11 ng umaga upang sumailalim sa medical procedure sa Cardinal Santos Medical Center sa ganap na alas-1 ng hapon.

Inaasahang nakabalik ang senador sa detention facility pagsapit ng alas-3 ng hapon matapos ang kaniyang appointment.Kailangan ding samahan si Estrada ng mga angkop na security escort habang nasa labas ng kulungan.

Nakasaad din sa resolusyon na sasagutin mismo ng senador ang lahat ng gastusin para sa ospital, medical fees, transportasyon at iba pang kaugnay na bayarin.

***

Pinangunahan nina Bureau of Internal Revenue (BIR) Commissioner Charlito Martin R. Mendoza at Supreme Court Associate Justice Alfredo Benjamin S. Caguioa ang pagpupulong upang pag-isahin ang Electronic Documentary Stamp Tax (eDST) system ng BIR at ang Electronic Notarization (eNotarization) facility ng Korte Suprema.

Layunin ng inisyatiba na gawing digital ang buong proseso ng notarization mula simula hanggang dulo. Sa pamamagitan nito, maaari nang bayaran at ilakip nang electronic ang Documentary Stamp Tax (DST) nang hindi na kailangang bumalik sa tradisyunal na papel.

Ayon kay Commissioner Mendoza, ang hakbang ay bunga ng kanilang naging diskusyon noong Pebrero 2026, kung saan natukoy ang manwal na pagdidikit ng DST bilang natitirang “paper-based step” sa electronic notarization.

“Kung ang isang dokumento ay maaaring pirmahan, i-notaryo, at beripikahin sa paraang digital, hindi nadapat ito bumabalik pa sa papel para lamang sa Documentary Stamp Tax,” pahayag ni Mendoza.