Skip to content

August 21 - 7 am NEWS

August 21 - 7 am NEWS
CHESTER PANGAN
Aug 21, 2026 | 9:04 AM

Hawak na ng Office of the President (OP) ang dalawang tanggapan na dating nasa ilalim ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Sa Executive Order 123 na inisyu ni Executive Secretary Ralph Recto sa ngalan ni Pa¬ngulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ang Presidential Commission for the Urban Poor (PCUP), at ang National Anti-Poverty Commission (NAPC) ay ililipat na sa OP.

Ang dalawang tanggapan ay dating nasa ilalim ng OP pero inilipat sa DSWD sa bisa ng EO No. 67 (s. 2018).

“Placing the PCUP and NAPC under the administrative supervision of OP will strengthen policy coordination, ensure greater convergence of poverty reduction and urban development initiatives, and facilitate the efficient implementation of programs requiring a whole-of-government approach,” ayon sa nila¬laman ng EO.

Binigyang-diin pa sa kautusan ang kapangyarihan ng Pangulo para magreorganisa upang makamit ang layunin sa “simplicity, economy, and efficiency.”

---

Ipinaalala ni House prosecution adviser Robert Ace Barbers sa mga Pilipino na ang P612.5 milyong confidential funds na kinukuwestiyon sa impeachment case ni Vice President Sara Duterte ay galing sa bulsa ng mga mamamayan.

Ayon kay Barbers, ang nasabing pondo ay bahagi ng kontribusyon ng mga ordinaryong Pilipino sa pamamagitan ng binayad na buwis, kabilang na sa mga tindero sa palengke, driver at mga small business owner.

“‘Yang P600 million na ‘yan, e contribution niya ng ating mga tindera sa kalsada, driver sa jeepney, driver sa tricycle, maliliit na mga negosyante,” diin ni Barbers sa online media briefing.

Ito umano ang dahilan kung bakit dapat tutukan ng mga Pilipino ang impeachment trial sa Senado upang magkaroon sila ng ideya kung saan napunta ang kanilang pera.

Aniya, mahalaga ang panonood ng impeachment trial upang makita ng mga tao ang iprinisintang ebidensiya ng magka-bilang panig, at makabuo ng sariling konklusyon imbes na umasa lamang sa nagsasalita sa labas ng Senate impeachment court.

“Dapat subaybayan ng ating mga kababayan itong impeachment trial na ito,” saad ni Barbers.

Nanindigan din ang prosecution adviser na ang isyu ay hindi na simpleng dapat bang manatiling sikreto na lamang ang confidential fund, bagkus ang kuwestiyon ay kung ang pera ng bayan ay ginasta at na-liquidate ayon sa mga regulasyon.

“Hindi naman puwedeng confidential ‘yung accountability,” giit ni Barbers.

“At dapat nga, seryoso tayo ngayon sa bawat pisong nakikita,” dagdag pa niya.

Binanggit pa ni Barbers na sa pamamagitan ng impeachment trial, nagkakaroon ng oportunidad ang publiko na masilip ang mga ebidensiya upang malaman kung supisyente ang ebidensiya laban kay Duterte.

Aniya, ang magiging hatol ng impeachment court ay nakabase sa mga ebidensiya at hindi sa political claims sa labas ng korte.

---

Kinumpirma ng Philippine Air Force (PAF) na na-relieve bilang wing commander ng Tactical Operations Wing Reserve Northern Luzon si dating 1-Pacman Party-list Rep. Mikee Romero.

Inanunsiyo ito ng PAF habang isinasagawa ang imbestigasyon sa kuwestiyonableng badge at award na natanggap ni Romero, kabilang umano Gold Cross Medal na mariin namang itinanggi ng dating mambabatas.

Kasunod nito, nag-resign naman si Romero sa AFP Reserve Force epektibo Agosto 19, 2026.

“It has been a profound privilege and honor to serve our country alongside the dedicated men and women of the Armed Forces of the Philippines,” sabi ni Romero sa liham na ipinadala sa AFP chief of staff. “I am deeply grateful for the trust, friendship, camaraderie and opportunities afforded to me through my service.”

Bilang reservist, lumahok si Romero sa mahigit 60 boluntaryong aktibidad na kinabibilangan ng civil-military operations, humanitarian assistance, at disaster res¬ponse. Kabilang dito ang food assistance, serbisyong medikal at dental, educational support, at tulong sa mga komunidad at pamilyang nangangailangan, na umabot sa mahigit 20,000 Pilipino sa iba’t ibang komunidad sa Pag-asa Island sa West Phi¬lippine Sea, Mavulis at Itbayat sa Batanes, gayundin sa Basilan, Tawi-Tawi, Jolo, Dinagat Islands, Zamboanga, North Cotabato, Bulacan, at Pampanga. (Billy Begas)