Skip to content

August 21 - 6 am NEWS

August 21 - 6 am NEWS
DONNA NATIVIDAD-ARENAS
Aug 21, 2026 | 8:21 AM

Nagpaalala ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa mga empleyado na nagtamo ng work-related injuries na maaaring mag-avail ng kompensasyon sa gitna ng tumamang kalamidad sa bansa.
Nakapasailalim ito sa Employees’ Compensation Program ng Employees’ Compensation Commission (ECC), na idinisenyo para protektahan ang kapakanan at financial security ng mga manggagawa.
Ayon kay ECC Executive Director Kaima Velasquez, ang saklaw ng kompensasyon ay hindi lamang limitado sa panahon na nasa lugar ng trabaho.
Ang naturang tulong pinansyal aniya ay nagsisilbing kapalit ng sahod para sa mga empleyado na pansamantalang hindi makapasok sa trabaho dahil sa job-related accidents o nagkasakit, hanggang sa gumaling at makabalik sa normal na trabaho.

***
Naglabas ang Department of Budget and Management (DBM) ng P27.410 bilyong halaga para sa medical assistance sa mga mahihirap na Pilipino sa buong bansa.
Ayon sa ahensiya, gagamitin ang pondo sa patuloy na implementasyon ng Medical Assistance to Indigent and Financially Incapacitated Patients (MAIFIP) Program ng Department of Health (DOH).
Sa ilalim ng programa, binibigyan ng tulong ang mga pasyenteng hindi buong mabayaran ang kanilang gatusin sa pagpapagamot at iba pang medical services lalo na ang mga pamilyang nahihirapan sa gastusin ng kanilang pagkakaospital, medisina, emergency treatment, professional fees sa doktor at iba pang pangangailangang pangkalusugan.
Malaking parte rin ng pondo ay mapupunta sa Centers for Health Development (CHDs) para suportahan ang paghahatid ng medical assistance sa pamamagitan ng kanilang partner local government hospitals, privately owned institutions at iba pang health facilities sa bansa.


**
Sinita at ipinasara ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang mga dispensing pump ng 25 sa 65 na gasolinahan sa Luzon matapos bumagsak sa isinagawang fuel marking testing sa unang tatlong araw ng kanilang malawakang operasyon.
Ayon kay BIR Commissioner Charlito Martin Mendoza, layunin ng hakbang na ito na matukoy ang mga pagtagas sa koleksyon ng buwis at maprotektahan ang mga tapat na negosyo laban sa hindi patas na kompetisyon sa sektor ng petrolyo.
Nagsimula ang naturang operasyon noong Agosto 17, 2026, sa pakikipagtulungan ng Bureau of Customs (BOC) at ng awtorisadong service provider na nagsasagawa ng pagsusuri sa mga sample ng gasolina, krudo, at gaas.
Isinailalim sa imbentaryo at selyo ang mga apektadong produkto habang hinihintay ang pinal na resulta ng confirmatory testing alinsunod sa umiiral na mga panuntunan.