Skip to content

August 20 - 7 am NEWS

August 20 - 7 am NEWS
CHESTER PANGAN
Aug 20, 2026 | 9:24 AM

Inanunsiyo ni Senate President Sherwin Gatchalian ang pagbuo ng isang Senate ad hoc committee para buhayin ang ekonomiya ng bansa.

Ayon kay Gatchalian, posibleng ilunsad ang komite sa sunod na linggo na tatawaging “Reinvigorate Investment and Sustainable Economic Growth o RISE Ad Hoc Committee”. Makikibahagi rito ang mga tumatayong Chiarpersons mula sa iba’t ibang komite ng kapulungan para talakayin ang mga hakbang para makatulong na maiangat ang ekonomiya ng bansa.

Inihayag ng Senate President sa isang event na humina ang paglago ng ekonomiya ng bansa sa mga nakalipas na kwarter at mayroong ding ilang external challenges, kayat marapat aniyang pag-usapan ang pag-review sa ekonomiya sa pamamagitan ng legislation.

Inaasahan naman ng Senate President na magkakaroon ng mga rekomendasyon sa Pangulo gayundin para sa legislation at alokasyon ng pondo para sa ilang mga programa tulad na lamang ng micro, small and medium enterprises (MSMEs).

Muli ring nagpahayag ng suporta si Gatchalian sa Pax Silica initiative na aniya’y lilikha ng mga trabaho at magpapalakas sa ekonomiya. Subalit, tiniyak din ng senador ang pag-review at monitor sa proyekto upang maging kapaki-pakinabang ito sa mga Pilipino at maprotektahan ang kalikasan.

---

Nananatili pa rin sa iba’t ibang evacuation center sa Quezon City ang nasa 5,342 indibidwal o katumbas ng 1,655 pamilya nitong Miyerkules ng gabi kasunod ng malalakas na pag-ulang dulot ng hanging Habagat at Tropical Depression Neneng.

Ayon sa pamahalaang lungsod ng Quezon City, pansamantalang sumisilong ang mga apektadong residente sa mga itinalagang evacuation site mula sa mga lugar na madalas bahain at may banta ng pagguho ng lupa bilang pag-iingat sa patuloy na masamang panahon.

Patuloy namang nagpapaabot ng tulong ang lokal na pamahalaan sa mga evacuee, kasabay ng mahigpit na pagbabantay sa sitwasyon ng panahon at sa kalagayan ng mga komunidad sa buong lungsod batay sa kanilang inilabas na ulat dakong alas-9:00 ng gabi noong Miyerkules, Agosto 19.

Samantala, pinapayuhan ang mga residente na nangangailangan ng agarang tulong o emergency assistance na tumawag sa Quezon City Helpline 122.