Sapat ang mga gamot ng Department of Health (DOH) laban sa leptospirosis tulad ng doxycycline sakaling tumaas ang kaso dahil sa epekto ng mga pagbaha.
Ito ang tiniyak ng Malacañang sa gitna ng walang patid na malakas na pag-ulan at maraming mamamayan ang hindi maiwasang lumusong sa baha na maaring matamaan ng leptospirosis.
Ayon kay Palace Press Officer Atty. Claire Castro, tiniyak ng DOH na nakahanda sila sa mga sakit na maaaring maging epekto ng mga pag-ulan kaya kapag aniya nakakaranas na ng sintomas ng sakit ay agad ng magpatingin upang maiwasan ang peligro.
“Sapat naman ang mga gamot para dito at kailangan lang magpatingin agad kapag mayroong naramdamang sintomas ng leptospirosis,” ani Castro.
Ang leptospirosis ay bacterial infection na nakukuha sa ihi ng daga na humalo sa tubig baha. (Aileen Taliping)
---
Kinalampag ni Senate President Sherwin Gatchalian ang Department of Education (DepEd) at mga local government units (LGUs) na tiyaking agad na makumpuni at mapalitan ang mga silid-aralan na nasira dahil sa habagat upang ligtas na maipagpatuloy ang klase sa mga apektadong lugar.
Batay sa ulat ng DepEd noong Agosto 14, umabot sa 6,681 classroom ang nasira dahil sa pinagsamang epekto ng dalawang bagyo at habagat.
“Tuwing bumabangon tayo mula sa mga kalamidad, kailangang agarang kumpunihin o palitan ang mga nasirang silid-aralan upang ‘wag malagay sa panganib ang mga mag-aaral dahil lamang sa mga pasilidad na hindi agad naaayos,” sabi ni Gatchalian.
Binigyang-diin niya na lalo pang lalala ang kakulangan sa basic education facilities kung hindi makukumpuni o mapapalitan ang mga classroom na ito. Batay sa DepEd data noong Hulyo ng nakaraang taon, umabot sa 147,000 ang classroom backlog.
---
Pormal nang nagsumite ng letter of relinquishment of duties and retirement kay AFP Chief of Staff Gen. Antonio Nafarrete si AFP Reservist Brig. Gen. Michael “Mikee” Romero.
Sa sulat ni dating Cong. Romero, pormal niyang ibinaba ang tungkulin bilang wing commander ng Tactical Operations Wing Reserve Northern Luzon epektibo kahapon, Agosto 19.
Sabi ni Romero, taos-puso siyang nagpasalamat sa pamunuan ng AFP, na aniya’y isang malaking karangalan at pribilehiyo ang makapaglingkod kasama ang magigiting na sundalo ng Pilipinas.
Aniya, bilang mambabatas noong 2018, isa siya sa nagtulak ng batas na nagtaas sa sahod ng militar at iba pang uniformed personnel ng 58.7% at naglaan ng P22 bilyon para sa tatlong C-130J Super Hercules ng Philippine Air Force.
Bilang reservist, lumahok aniya siya sa mahigit 60 voluntary missions tulad ng food, medical, dental at educational aid na nakatulong sa mahigit 20,000 Pilipino mula Pag-asa Island, Mavulis at Itbayat sa Batanes, Basilan, Tawi-Tawi, Zamboanga, Bulacan at Pampanga.
Bilang chairman ng ARRAPI, pinalaki aniya niya ang samahan sa mahigit 5,000 miyembro, nagpakalat ng trucks sa pagligtas ng baha sa Bulacan, naghatid ng medical supplies sa Tawi-Tawi at nagdaos ng 2025 AFP National Reservist Convention sa Makati na dinaluhan ng libu-libong reservist.
Iginalang ni Romero ang validation process ng AFP at tiniyak na lahat ng kanyang medalya at parangal ay nasa opisyal na rekord, aniya’y “tapos man ang serbisyo sa uniporme, tuloy ang tungkulin sa bayan, soberanya at bandila.”