Aug 19, 2026 | 8:07 AM
Nanindigan ang Malacañang na walang mali sa inilabas nitong impormasyon na inaprubahan ang travel authority ni Vice President Sara Duterte para sa Japan ngayong Agosto 19 hanggang 24, 2026.
Ayon kay Palace Press Officer at PCO Undersecretary Atty. Claire Castro, inaprubahan ng Office of the President ang travel authority noong Agosto 17, alas-12:41 ng tanghali. Gayunman, noong Agosto 18, alas-6:07 ng gabi, hiniling ng Office of the Vice President sa pamamagitan ni Chief of Staff Atty. Zuleika Lopez na kanselahin ito.
Nauna nang sinabi ni VP Duterte na nagbago ang kaniyang travel plans at kinuwestiyon ang pagsasapubliko ng kaniyang schedule dahil maaari umano itong magdulot ng panganib sa kaniyang seguridad.
Pero ayon kay Castro, bilang public official, may karapatan ang publiko na malaman ang paggamit ng pondo ng gobyerno, lalo na’t umaabot umano sa P7 milyon ang gastos para sa security at staff ng bise presidente sa kaniyang mga biyahe.
***
Ipinag-utos ng Philippine National Police (PNP) ang pagbura ng videos at mga larawan may kinalaman sa marahas na pamamaril sa Ateneo de Zamboanga University junior high school campus nitong Martes, Agosto 18, na ikinasawi ng dalawang estudyante kasama ang shooter at ikinasugat ng anim na iba pa.
Kaugnay nito, inatasan ni PNP chief PGen. Jose Melencio Nartatez Jr. ang Anti-Cybercrime Group na makipag-ugnayan sa social media platforms para i-take down ang mga video at larawan kaugnay ng insidente.
Ipinaliwanag ng PNP chief na nais ng mga awtoridad na mapigilan ang lalo pang pagkalat ng mga sensitibong materyal sa pamamagitan ng pag-repost at pag-share ng mga ito partikular na sa mga menor de edad.
Sa isang pahayag, sinabi ng heneral na isa itong “unfortunate incident” na dapat itrato nang may lubos na pagiingat, lalo na at mga minor ang sangkot sa naturang content. Nanawagan din ang PNP chief sa publiko na maging compassionate sa nangyaring trahediya sa pamamagitan ng pagpapakita ng respeto at pagiging responsableng netizens o socmed users.
*
Ipinapaubaya na lamang ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa Commission on Election (COMELEC) kung kailangan nga bang itaas ang alert status sa Bangsamoro region.
Kasunod ito sa pamamaril sa convoy ni Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (Barmm) Interim Chief Minister Abdulraof “Sammy” A. Macacua sa Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte nitong araw ng Sabado.
Sinabi ni AFP spokesperson Col. Francel Margareth Padilla, na laging katuwan nila ang Philippine National Police (PNP) at lahat ng mga kautusan ng COMELEC ay kanilang sinusunod.
Naniniwala din si Padilla na walang magiging sagabal pa para hindi matuloy ang kauna-unahang parliamentary election sa BARMM sa darating na Setyembre 14.